ShareThis

  ESTADO

‘Freedom of Information Act’ sa Amerika



Wala pang isang linggo matapos akong tumapak sa US, ang unang naging trabaho ko ay sa law office ni Andrew Sagartz. Ang tanging alam ko ay ang saligang-batas ng US na di nabago mahigit dalawang siglo sapul nang isulat at maratipikahan ng sambayanang Amerikano. Integral na bahagi ng nasabing saligang-batas ang mga amyenda rito na tumutumbas sa tinatawag na bill of rights na nakapaloob sa saligang-batas ng Pilipinas, na siyempre pa’y nanghiram ng padron sa US. Unang dapat matutuhan, ani Andrew, ay ang freedom of information act o FOIA. Kinakailangang maging bihasa sa FOIA o sa pasikot-sikot ng prosesong nakapaloob dito. Bago sa akin ang FOIA o ang kaugnayan nito sa operasyon ng isang law firm na ang espesyalidad ng praktis ay imigrasyon. Sa Pilipinas, ang batas sa imigrasyon ay maituturing na maliit ang saklaw sa praktis ng abogasya. Saka walang FOIA.

Magkaibang Transparensi
Naging malinaw kaagad ang isa sa mga fundamental na kaibahan sa sistema at sa pagtataguyod ng transparensi sa pagitan ng pamahalaan ng US at Pilipinas na dalawang bayan na parehong kumakatig sa demokrasya na pangunahing prinsipyo na ang soberanya ay nasa taumbayan.
Halos sampung taon na iyon. Marami nang naglaro sa isip ko, mga katanungan at haka-haka, hinggil sa relebansiya at implikasyon ng absensiya ng FOIA sa set-ap o kaligiran ng Pilipinas. Uubra kaya ang FOIA sa Pilipinas? Makalipas ang ilang taon ay may nagsumite na rin ng panukala ng sariling bersiyon ng FOIA sa kongreso ng Pilipinas.
Sa Amerika, ang bawat batas na pambansa o federal ay may kaukulang batas na pang-estado. Ang FOIA ay isang batas na pinaiiral sa buong US ng gobyernong federal na nakabase sa Washington D.C. na katumbas ng pambansang gobyerno ng Pilipinas na nakabase sa Malakanyang. Dahil ang sistema sa US ay federalismo, may antas ng otonomiya ang bawat estado na bumubuo rito. Kaya ang Ilinoy ay may sariling ipinasang panukala kaugnay ng pagpapairal ng batas sa kalayaang makaalam o FOIA.

FOIA ng Ilinoy
Narito ang salin ko sa unang dalawang talata sa ilalim ng Seksiyon 1 ng pangkalahatang probisyon ng FOIA ng Ilinoy na gamit ang ngangayuning paraan ng pagpapahayag:
“Seksiyon 1. Sang-ayon sa batayang pagkatig sa konstitusyunal na paraan ng pamamahala, idinedeklara na pablik-palisi na ang lahat ng tao ay may karapatan sa buo at kumpletong impormasyon sa mga nagaganap sa gobyerno at sa lahat ng opisyal na patakaran at hakbang ng mga kumakatawan dito bilang mga pampublikong opisyal at kawani ayon sa isinasaad ng batas na ito. Ang nasabing karapatan ay kinakailangan upang maisagawa ng taumbayan ang kanilang tungkulin na talakayin ang mga pambansang usapin nang ganap at malaya, bumuo ng mga pampulitikang kapasyahan nang batay sa hustong kabatiran, at masubaybayan ang gobyerno upang tiyaking pinatatakbo ito nang ayon sa pambansang interes.
Ang Pambansang Kapulungan ay nagtatakda ngayon na pablik-palisi ng Estado ng Ilinoy na ang akses o kakayahang umungkat ng lahat ng tao sa mga pampublikong tala ay pagtataguyod sa transparensi at pananagutan ng lahat ng pampublikong tanggapan sa lahat ng antas ng gobyerno. Isang fundamental na obligasyon ng gobyerno ang magkaroon ng bukas o walang birang na pamamahala at ipakita ang mga pampublikong tala nang agad-agad at episyente bilang pagtupad sa batas na ito.”

Kasali ang Kultura
Lagi, kasali ang kultura ng isang lahi sa pag-ebolb at pagsulong ng mga pambansang batas. Sa Pilipinas, kahit hindi federalismo ang pinaiiral ay may kakanyahan ang pambansang batas sa konteksto ng pagkilala sa karapatan at kalayaan ng mga rehiyon na itaguyod at panaigin ang bawat sariling kultura at tradisyon gaya ng pagkilala sa Shariah ng mga Muslim, bodong ng mga taga-Cordillera, atbpa. Minsan ay may tunggalian sa pagitan ng mga sinaunang paniniwala at sa prinsipyo ng demokrasya. Lalo pagdating sa mga doktrinang pangrelihiyon na pananalig sa halip na pagsusuri ang pangunahing hinihingi sa mga tagasunod. Madalas, may terminong sakrilehiyo para sa mga bagay na taboo na labas sa saklaw ng lohika at siyensiya. Sa ilalim ng FOIA, walang tala, ulat, o dokumentong nasa pag-iingat ng pamahalaan kaugnay ng pagpapatakbo sa pamahalaan na taboo o bawal tunghayan. Sa tamang proseso ay makahihiling ang sinuman na magkaroon ng kopya o makita o mabatid ang alinmang pablik-rekord. Ang tanging eksepsiyon dito’y kapag ang rekord ay minarkahang kuwalipikado o ayon sa isinasaad na eksemsiyon ng batas (FOIA). Ang ‘burden’ na magpatunay ng pagiging eksemsiyon ng isang dokumento, ayon sa FOIA, ay nasa tanggapan na ang nasabing dokumento ay hinihiling na ilabas.
Ang kultura ng pagiging malihim ay mas nalalapit sa pagkatig sa monarkiya at nobilidad sa halip na sa ganap na pagkakapantay-pantay. Maraming tinatamasang pribilehiyo ang mga dugong-bughaw kabilang na rito ang maglihim sa anumang nais nilang ilihim. Sa Pransiya bago ang rebolusyon ay may lettre de cachet, ang sultan ng Imperyong Ottoman ay may urf, sa panahon ng imperyo ng Tsina ang Beijing ay may forbidden city na residensiya ng emperador. Malalim na itinanim ng mga Kastilang frayle at pamahalaang sibil sa ilalim ng monarka ng Espanya sa kamalayan ng mga Pinoy ang konsepto ng kandado-at-susi na kaakibat ng poder.
Ang labingtatlong orihinal na estado ng US ay nagrebolusyon dahil sa sistema ng Inglatera na pagpataw ng buwis na walang representasyon mula sa mga kolonyang kokolektahan. Muli, halimbawa ng paghihimagsik laban sa praktis na paglilihim ng awtoridad. Na ang mga bagong buwis o pagtataas ng buwis ay itinatakda nang walang paunang abiso at ang pagpasa ng kaugnay na batas para rito ay walang partisipasyon ang mga bubuwisan. Tandaan na sa alinmang nagaganap sa pamahalaan kung walang kabatiran ang mga mamamayan ay di maaasahan ang kanilang kasiya-siyang pakikisangkot. Sa partisipasyon ng mga mamamayan sa alinmang pambansang pagpapasya nakasalalay ang kasiglahan ng demokrasya at marubdob na suporta ng mga mamamayan sa kanilang pamahalaan.

Pasulat na Tala
Napaulat ang minsa’y pag-aalburuto ng isa sa mga sangkot sa deliberasyon sa pagpili ng magiging bagong resipyent ng gawad pambansang alagad ng sining. Nominado raw si Dolphy. Bayolenteng kumontra ang tao na ito, na isa sa mga miyembro ng lupon, na magawaran si Dolphy. Ginawa raw kasing katatawanan sa mga pelikula ang mga bakla. May nagbulgar sa publiko ng pananaw niyang ito. Siyempre’y may reaksiyon ang publiko. Galit na galit ang mama (lalaki kasi) sa pagbubulgar sa tindig o stand niya sa dapat daw ay pinid-pintong deliberasyon. Mabilis na gumawa ng pampublikong pahayag ang mga suporter ng nasabing mama. Sa deklarasyon, binibigyang-diin ang kahalagahan diumano ng pagrespeto sa pagiging lihim ng deliberasyon sa pagpili ng gagawaran na pambansang alagad ng sining. Interesanteng ang mga suporter na nagbandera ng pirma sa deklarasyon ay kabilang sa mga nagtuturo ng pamamahayag sa unibersidad. Samantala, ang gawad pambansang alagad ng sining ay mula sa pamahalaan at pinopondohan ng kaban ng bayan. Ang lagay pala, tumpak na proseso na maglapat ng titulong “pambansa” ang pamahalaan na kasali ang prestihiyo, lohistika, at salapi ng bayan pero walang karapatan ang sambayanan na malaman man lang ang mga basihan o naging direksiyon ng kuro-kuro ng lupon o komisyon sa likod ng pagkunsidera o pagbasura sa bawat nominasyon.
Ang pagtaguyod sa prinsipyo ng transparensi ay di maaaring may tinitingnan at may tinititigan. Na pag kami-kami ay puwede, pag sila-sila ay hindi. Na ang pagiging tumpak ay nakadepende sa tao na sangkot o masasagasaan. Sa ilalim ng FOIA, walang puwang ang omerta o takipan (at tapikan) ng likod ng magkakaalyado. Ang tanong – kung sa bisa ng FOIA ay maaaring hingan ng tala ng deliberasyon ang nasabing lupon sa gawad pambansang alagad ng sining – may maipepresenta naman kaya sila? O sinadya rin nila na walang mga pasulat na dokumento o tala ang kanilang naging mga deliberasyon?
Ang transparensi ay tukod ng demokrasya at mabuting pamumuno. Ang pagtiyak na may pasulat na tala ang lahat ng mga datos, pigura, pananaw, pangyayari at lahat-lahat nang dapat mailagay sa papel at tiyakin ang preserbasyon ng mga ito ay tatak hindi lang ng episyenteng sistema kundi mataas na kultura ng isang lahi. Sa konteksto ng mga dispensasyon, ang mapaglihim ay kapatid ng tirano. Pabor sa rehimen na pinapalis ang mga tala, sinusunog ang mga aklat, sa pagtatangkang maipagkait sa darating na salinlahi ang katotohanan.




Archives