Ang munisipalidad ng Pasacao sa Ragay Gulf ang itinuturing na summer capital ng lalawigan ng Camarines Sur o Camsur. Mula sa Lungsod Naga ay may masasakyang mga pampublikong sasakyan o PUV sa terminal ng mga ito na malapit sa LCC Mall. Ang isang air-con van ay sumisingil ng limampung piso (P50) kada tao sa isahang biyahe o one way. Kulang isang oras ang biyahe simula sa nasabing terminal sa Naga hanggang sa poblasyon ng Pasacao. Sa sentro ng Pasacao ay may mapagpipiliang masasakyang traysikel o padyak patungo sa mga beach resort na naghilera lang at ang mga pangalan ay mababasa habang tinatahak ang lansangan. May tiyak na singil ng pasahe sa mga traysikel habang sa padyak ay depende sa mapagkakasunduan ng pasahero at padyakero. Sa mga di nakaaalam, ang padyak ay ang tawag sa pampublikong sasakyang hawig sa traysikel pero imbis na motor ay pedal ang nagpapatakbo rito. Sa kalsadang pataas-pababa ay di biro ang hirap ng isang padyakero na maihatid ang mga pasahero sa pakay na resort. Kaya naman kung sa traysikel ay sumisingil lang ng siyam na piso kada tao sa bawat ruta, sa padyak ay humigit-kumulang sa isandaang piso ang special trip sa maksimum na tatlong tao na maisasakay. Sa isang kapaligirang gaya ng Pasacao na batbat ng tanawin ng kalikasan ay mas bagay ang padyak na di kumukunsumo ng gatong. Isang ironiya lang na nasa Pasacao din ang malalaking depot ng mga langis na marahil ay tinggalan ng suplay na para sa pangangailangan sa enerhiya at gatong ng buong Camsur at mga karatig-lalawigan.
Pantalan ng Kabikulan
Napapaligiran kasi ng lupain ang Lungsod Naga. Di gaya ng ibang medyor na siyudad sa kapuluan na malapit sa karagatan e.g. Maynila, Cebu, Davao, Iloilo, Cagayan de Oro, Zamboanga, Tacloban, atbpa. Naging mahalagang sentro ng poder ng mga Kastila sa Kabikulan ang Naga na ang orihinal nilang ibinigay na pangalan ay Ciudad de Nueva Caceres. Ang lungsod ng Caceres sa Espanya ay ‘landlocked’ din. Kung ang lungsod ng Cotabato sa Maguindanao ay may pantalan ng Polloc na lagakan at lunsaran ng mga kalakal, ang Naga sa Camsur ay may Pasacao. Sa panahon pa ng mga Kastila ay ang Pasacao na ang pintuan ng Naga sa pakikipagkalakalan. Ang Pasacao din ang naging tradisyunal na pasyalan ng mga taga-Naga na nais maglunoy sa karagatan nito sa mga buwan ng tag-init. Hindi puti ang buhanginan sa Pasacao subalit ideyal ang mga tabing-dagat nito, dalampasigan, at mahalumigmig na temperatura para sa mga nais magrelaks.
Sa rehiyon na di nabibilang sa mga nangunguna sa bansa sa yaman at asenso, natatangi ang Pasacao sa pagiging isang primera-klaseng munisipalidad. Na di kataka-taka kung iisiping ang Pasacao ay nagsisilbing medyor na pantalan para sa buong Kabikulan. Magaganda ang kundisyon ng kalsada na regular na dinaraanan ng mga trak ng petrolyo ng mga higanteng korporasyon. Ganunpaman ay malayo pa ang anyo ng Pasacao sa hitsura ng kabihasnang nakamihasnan ng isang tubong-siyudad. Hindi pa ito tinutubuan ng mga shopping complex at dikit-dikit na fasfud na kainan. Relatibong tahimik na lugar pa ito, may maluluwag na espasyo saanman, at di pa nakaasa ang buhay ng mga naninirahan sa mga pagkain at gamit na gawang-pabrika o preserbado. Ang tanging kontradiksiyon sa kapaligiran nito’y ang malalaking depot ng langis.
Mga Pulo at Mga Piknik
Itinuturing na isa na sa pinakamagagandang resorts sa buong Pasacao ang Surfer’s Paradise sa Caranan. May presyong isang libo at walong daang piso ang isang araw na pag-okupa sa isang bungalow na may tatlong kama na may sapat na luwag para sa isang maliit na pamilya o barkada. May air-con na ito at sariling banyo/kubeta. May sariling patyo na maaaring gawing kainan (dining area) kung nais kumain sa labas ng bahay. May maliit na oditoryum ang resort sa itaas ng isang katamtamang gusali na ang silong ay kapihan sa araw at videoke bar sa gabi. Mula sa mga cottage ay ilang hakbangan lang ang dalampasigan na may mga silungang kubo na may mga upuan at hapag para maaaring gawing tambayan ng mga nais lang pagmasdan ang karagatan. Sa malayo ay matatanaw ang maya’t mayang pagdaan ng mga bangka na gamit sa pangingisda o sa pamamasyal ng mga bakasyunista o turista. Sakay ng bangka, mapapasyalan ng mga turista ang iba’t ibang maliliit na isla na ang iba’y may mga yungib na maaaring pasukin.
Sariwa ang pagkain sa Pasacao na ang mga isda, hipon, pusit, alimango at iba pang lamang-dagat na kahuhuli lang ay inilalako sa mga bakasyunista na pag binili ay iluluto na rin ng nagtitinda saka ihahain kung saan mo nais kumain. May mga grupong nanggagaling pa sa malalayong lugar para magdaos ng pulong o palihan. Puwedeng kasama ang catering sa resort. May pami-pamilya o barkada na dala na ang kanilang kakainin, o mga lulutuin, dala ang kalan, maggagayat ng bawang, sibuyas, kamatis, at may sawsawang patis, suka, toyo. Pero namementinang malinis ang kapaligiran ng Surfer’s Paradise at iba pang resort sa kahabaan ng dalampasigan. May mga punungkahoy at mga halaman na inaalagaan.
Gaya sa Boracay, araw man o gabi ay may mga naliligo sa mga resort sa Pasacao. May malalakas na tanglaw sa dalampasigan. May sapat na mga tanod. Ang agad mapapansin dito’y ang dami ng mga bakasyunistang mga bata. Ideyal sa mga paslit ang Pasacao. Una, wala (o bihira) rito ang mga establisimyentong panglasingan o mga bar na naglipana sa Boracay at ibang kilalang resort. Pangalawa’y kakaiba ang likas na pormasyon ng dalampasigan nito na unti-unting papalalim na unti-unting papataas bago muling unti-unting papalalim. Kapag kumakati ang tubig ay nagkakaroon ng waring maliliit na mga pulo na masayang pinupuntahan ng mga bata para mag-angkin ng sari-sarili nilang pulo na gaya ng ginagawa ng Pilipinas, Tsina at ibang bansa na nagtatalu-talo sa pagmamay-ari sa mga pulo at pulu-puluan sa Spratly. Ang kaibahan lang, sa Pasacao ay pawang halakhakan ng mga naglalarong bata ang maririnig sa gitna ng dagat.
Boracay and Beyond
Para sa maraming Pinoy, ang tunay na destinasyon ay ang Boracay na may puti at pinong-pinong buhanginan. Pero sa antas ng eksploytasyon sa Boracay sa kasalukuyan ay paglipas ng panahon lang ang salik at malalaos ito. Gaya nang ibang naging bantog na bakasyunan sa iba’t ibang parte ng mundo, kukupas ang kasikatan nito kapag naging mas marami na ang dapat iwasan imbis na sadyain dito. Pagdumi ng kapaligiran, pagpangit ng tanawin, luray na anyo ng kalikasan, pananaig ng mga kongkreto at sintetikong materyal kesa mga likas na bagay.
Malakas magpasok ng rebenyu ang Boracay bilang panturistang destinasyon. Mula sa pambansang gobyerno hanggang mga lokal ay naaambunan ng mga salaping internasyunal na pumapasok dito. Pambato ito ng Pilipinas. Kumbaga’y ito ang itinuturing na pambansang dalampasigan. Ito ang pangunahing eskaparate ng ating industriya ng turismo. Pero hindi na ito naiiba sa isang minahan na walang habas ang pagmimina na kapalit ng pagtamasa ng mga ginto at mineral ay pagsira sa kalikasan.
Noon ko pa sinabing mag-move on na tayo mula sa Boracay. Kung susumahin, ang Boracay ay di (na) para sa mga nais ng kalikasan o karagatan. Sa tahasan, marahil ay aabot sa siyamnapung porsiyento ng mga turista – domestiko at banyaga – ang nagtutungo rito pagkat party at nightlife ang hanap. Kasikatan pa ng Boracay ngayon pero unahan na natin sila – sa sila ay tinutukoy ko ang mga kapos ang lalim ng pagsipat sa tunay na kahulugan ng pagliliwaliw sa kalikasan.
Maghanap tayo ng mga hiyas na pasyalang dalisay pa ang anyo ng kalikasan. Napakarami pa nito sa ating kapuluang naglipana ang mga kabundukan at may libo-libong milyang kabuuang haba ng mga dalampasigan. Ang Pasacao ay di kasingganda ng Boracay. Eksaherasyong sabihing ito’y magiging future Boracay. Pero sabi ko nga, mag-move on na tayo mula sa konsepto ng Bora. Burahin na natin sa alaala ang sinapit nito na gaya ng isang paraisong ninakaw ng mga pasaway.