ShareThis

  ESTADO

EDCA I



Maituturing na isa sa pinakamatagumpay na opisyal na dalaw o state visit ng pangulo ng US sa Pilipinas ang kay Pangulong Obama nitong Abril 2014. Nagkataong katatapos lang ilathala ang isang sarbey na nangunguna raw ang mga Pinoy sa mga lahi sa mundo na gusto ang US at mga sinisimbulo nito. Ayon sa sarbey, mas pabor pa ang mga Pinoy sa kung ano ang US ngayon kesa sa mismong mga Amerikano. Bagay na marahil ay pinatunayan ng init ng pagtanggap kay Pangulong Obama simula sa unang lapag ng Air Force One hanggang sa huling saludo sa kanya nang pabalik na sa US. Dahil sa pagdalaw ni Pangulong Obama ay nawala muna ang mga alitan at bangayan sa pulitika, pati na ang alab ng imbestigasyon sa mga pulitikong sangkot sa iba’t ibang alingasngas partikular sa pagkupit sa porkbarel. Sa iisang bubong, magkakasama ang punong ehekutibo, pangulo ng senado, ispiker ng mababang kapulungan ng kongreso, mga dating pangulo, mga lehislador sa magkakalabang partido, nasa mayorya, nasa minorya. Sa isa sa mga hapag ay makikita si Senador Enrile habang sa isa pa ay ang mga miyembro ng gabinete na tumutugis sa kanya. Naroroon ang mga tumanda nang pro-Amerikano at mga dating makakaliwa at aktibista na ngayo’y nasa hanay na ng mga propesyunal na burukrata ng pamahalaan. Ang saya-saya!

Reapirmasyon ng Pagkakaibigan

Sa pangretorikang layon, maraming naakomplis ang pinakahuling istet-bisit ng lider ng Amerika sa Pilipinas. Nagkaroon ng reapirmasyon ang pagkakaibigan at (teyoretikal na) alyansa ng Pilipinas at US. Lalawak daw ang ugnayang pangkalakalan. Pero pag tinanggal ang salansan ng mga kutson ay lilitaw na ang pinakarelebante rito’y ang paglagda ng lider ng dalawang bayan sa tinawag na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Inaasahan na ito’y kabilaang pabor. Bagaman, tulad din sa bawat kalakalan (o kaliwaan?) ng mga bansa, laging may ‘imbalance’ pagkat ang perpektong balansiya sa pagsusulong ng mga interes sa pagitan ng dalawang panig – mga bansa man o indibidwal – ay laging di ganap na narereyalisa.

Dalawampu’t tatlong taon ang nakararaan, labingdalawang senador ng Pilipinas ang bumoto para patalsikin ang mga base-militar ng US sa Pilipinas. Dalawampu’t tatlong taon ang nakararaan, ang Pilipinas ay ‘fortress’ ng US sa Asya. Ang Subic ay pinakamalaking istasyon ng puwersang pandagat ng US sa labas ng teritoryo nito. Ito ang tahanan ng Seventh Fleet na isang yunit ng puwersang-dagat ng US na ang presensiya ay sapat nang magpangatal sa alinmang bansa kabilang na ang Tsina. Pero sa halip na matakot ay mga anghel kung ituring ng mga tagapagbigay-aliw sa Olongapo ang mga servicemen na bumababa mula sa mga barko ng Seventh Fleet. Isang maliit na siyudad subalit isa sa may pinakamaraming bar, bistro, at nightclub sa buong Pilipinas ang Gapo sa panahon ng mga baseng Kano rito. Samantala, ang mga Kano ang natakot kay Bb. Pinatubo. Sa kasagsagan ng pamiminsala ng bulkan at relatibong kapayapaan sa mundo sa pagtatapos ng Cold War na US ang naging nag-iisang superpower ay tamilmil si Angkol Sam na mag-alok ng mahilab-hilab na benepisyo sa mga Pinoy kapalit ng pananatili ng mga base. Sa tingin nito, mas kailangan ng Pilipinas ang ganansiya sa mga base na tukod ng ekonomiya ng Olongapo at may purbetso ang buong Gitnang Luzon kesa sa pangangailangang pangseguridad ng US. Sampung taon pa ang lilipas bago masasalakay ang Kambal Tore sa Nuyork na magiging hudyat ng gera laban sa terorismo na ang pook-labanan ay saanman may dawag na makapagtatago ang mga terorista at isa na rito ang Mindanaw. Sa kabilang banda, nabigla ang Pilipinas sa Tsina na di inaasahang matapos ang krisis sa Tiyananmen ay mabilis na makababangon, makakamit ang kalakasang walang kaparis sapul sa panahon ng mga dinastiya ng mga emperador at magsisiga-sigaan sa Asya. Marahas na ginising ng Tsina ang malaong natutulog na usapin ng pagmamay-ari sa mga pulo sa Spratli. Sa isang iglap, natagpuan ng Pilipinas at US na talikuran sila sa pagharap sa iba’t ibang “puwersa ng kasamaan” na nagbabanta sa kapanatagan ng isa’t isa. Nang hipan ni Pangulong Bush ang tambuli ng panawagan sa mga sasama sa Coalition of the Willing sa pagsalakay sa Iraq na aksiyon na ayaw basbasan ng UN ay kabilang ang Pilipinas sa malalapit na kaalyado ng US na sumama.

Dati’y sa Subic, Ngayo’y sa Mindanaw

Sa state dinner na multimilyong piso ang nagastos ng gobyerno bilang reapirmasyon ng maalamat na hospitalidad ng mga Pinoy sa mga bisitang banyaga ay makikita ang pagdalo ng ilan sa mga tumutol noon sa ekstensiyon ng base ng mga Kano. Nakikipag-toast para kay Pangulong Obama. Naroon sina dating senador at pangulo na ngayo’y alkalde na si Erap at Senador Enrile. Sakdal-positibong vibration ang namamayani sa hapunan. Hindi nalalayo sa zero crime na naiuulat noon sa bansa sa tuwing dadalaw si Papa Juan Paulo II na nagkataong may kanonisasyon naman sa Vatican. Naiulat ang pagyao kamakailan ng Colombianong manunulat na si Gabriel Garcia Marquez pero buhay na buhay ang magischer realismus.

Ang Subic ngayon ay di na teritoryo ng mga Puti kundi ng karamiha’y mapuputi pero imbis na malalaki ang mga mata ay singkit e.g. Hongkongis, Taywanis, Koreyano. Hindi na interesado sa Subic ang mga Kano. Hindi na sila interesado na balikan ang nakaraan partikular ang gera sa Biyetnam na kaalyado na nila ngayon. Mas gusto na nilang maglagi sa Mindanaw na ang mga bundok at dawag ay nagsisilbing lupang-sanayan sa panggerilyang pakikibaka at pangterorismong istratehiya ng mga bandidong Muslim na iba-iba ang lahi at naidedeploy na may misyon sa iba’t ibang bayan mula sa Afganistan hanggang sa mismong US. Ang kanlurang pisngi ng Luzon ang direktang katapat ng Dagat Tsina. Nasa karagatang ito ang mga isla ng Spratli at mga teritoryong ugat ng hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Para sa mga Pinoy, ito ang kritikal na erya na dapat tuunan ng pagpapatibay ng depensa. Pero waring iba ang nasa agenda ng gobyernong US sa pagtatayo ng mga multo (i.e. imbisibol) na mga imprastruktura o instalasyong-militar sa ating kapuluan. Ang tuon nito’y sa Mindanaw.

Ang EDCA ang pinakahuli sa serye ng mga kasunduan na binuo para mamagitan sa Pilipinas at US pagkatapos mabasura ang tratado na nagpapahintulot sa ekstensiyon ng operasyon ng Subic, Clark, atbpa. bilang mga pasilidad na panggera ng hukbong Amerikano. Hindi maikukumpara ang saklaw ng VFA at EDCA sa saklaw at dimensiyon sa teritoryo at pamumuhay ng mga Pinoy ng inayawang tratado. Ang Subic at Clark ay parehong may milya-milya-kuwadradong lawak na lupain at higit pa ang sukat sa isang metropolis. Ang mga ito’y mistulang maliliit na estado ng US sa loob ng Pilipinas. Kung paghahambingin, sa teknikal ay di magkakaroon ng sariling base ang mga Kano sa ilalim ng VFA at EDCA. Pero bukas sa mga haka-haka ang mga maaaring mangyari kung ibabatay sa nilalanggam na relasyon ngayon ng Pilipinas at US na waring nasa pinakamataas na rurok sapul nang matapos ang balikatan ng dalawang bansa laban sa hukbong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Tunog-EDSA, Ano ang Amoy?

Ang EDCA ay mapapansing tunog-EDSA na pangalan ng kalsada at ebento na signipikante sa pamilyang Aquino. Kung Pinoy ang nakaisip ng pangalang ito siya’y isang henyo – henyo sa ‘pagsipsip’ kay P-Noy. Walang dapat ipagtaka sa posisyon ni P-Noy sa EDCA. Noong dinedeliberasyon ang tratado para sa ekstensiyon ng mga base-militar ng mga Kano ay kulang na lang na magputa si Cory sa mga senador para lang aprobahan ito. Sumunod na mga pangyayari ang lumikha ng popular na persepsiyon na tama si Cory. Maging si Senador Miriam na eksperto sa ugnayan ng mga bansa ay nagkomento, kaugnay sa isyu sa Spratli, na dapat ay pinag-isipang mabuti ng senado ng Pilipinas bago tinanggihan ang alok na tratado ng US. Waring sa pananaw pa niya’y mayayabang kasi ang mga senador na tumanggi sa tratato na akala’y may ibubuga ang Pilipinas laban sa mga eksternal na banta sa seguridad nito pero wala pala. Hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin ni Senador Miriam sa dapat ay pinag-isipang mabuti ng senado noon ang pasya. Di pa siya senador sa mga panahong iyon habang isa sa mga bumoto laban sa tratado ay si Senador Enrile. Pero, gaya nang nabanggit na, magkaibang hayop ang usapin sa tratado noong 1991 at ang VFA, EDCA, at ibang mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US.

Mahihinuhang nag-enjoy si Pangulong Obama sa istet-bisit sa Pilipinas. Imposibleng hindi. Kahit sinong mortal ay paninindigan ng balahibo pag itinuring na ‘demi-god’ sa isang lupain. Na mahawakan lang ang piraso ng saplot niya’y sapat na upang mapaluha sa tuwa ang mga tao. May mga nag-abang (sa wala) sa Roxas Boulevard para masulyapan kahit lang ang limusinang sinasakyan niya – maski hindi siya makita – na animo’y sasaniban sila ng matinding enerhiya. Tiyak na nagagap ni Pangulong Obama ang antas ng pagtingin sa kanya ng mga Pilipino. Lahat ng mga lider ng Pilipinas simula kay P-Noy ay yumuyukod sa kanya. May mga grupong nagrarali sa bungad ng Mendiola, sa embahada ng US, at ibang lugar sa kapuluan na may kaugnayan sa mga Amerikano. Handa ang mga pulis sa pagkontrol sa mga ito. Walang naging impact sa sosyalan ng dalawang pangulo at mga koteri nila. Bagaman laman ng balita, marahil ay naging balidasyon pa ang mga protesta na masiglang umiiral ang demokrasya sa Pilipinas.




Archives