Ang ibig kong sabihin sa pamagat na LLGBBT: Lalaki, Lesbiyan, Gay, Bayseksuwal, Babae, Transdyender. Kung ikukunsidera natin ang ekwalidad sa kasarian, di na natin dapat ilimita ang daglat sa LGBT na waring ang apat ay espesyal na kategorya ng gender sa salik ng pagiging minorya. Matapos maipasa ang mga batas na nagbibigay sa LGBT ng mga karapatan na kapantay ng mga heteroseksuwal ay panahon na rin marahil na iretiro ang daglat na LGBT. Ang meron na lang ay LLGBBT. Bagaman di pa rin ito kumpleto sapagkat kahit sa anim ay maraming sub-kategorya ng preperensiyang kasarian. Malikhain ang tao pagdating sa mga bahid (lilim, kumbaga sa kulay at di mantsa) ng magiging kasarian.
Progresyon ng Kabihasnan
Waring hindi mapipigilang progresyon – at papabilis nang papabilis ang progresyon – ng sangkatauhan tungo sa pagkakaroon ng lipunan na ganap na kumikilala at may identidad ‘for all purposes it may serve’ ang mga kasariang ekstra-heteroseksuwal o nasa labas ng tradisyunal na klasipikasyong babae at lalaki. Ang basihan ng identidad bilang Babae at Lalaki, pagtuunan natin, ay di sa nais makatalik o sa personalidad kundi sa mga kaibahang inilatag ng agham. Napag-aralan natin ito sa Bayolohiya (Biology) noong hayskul. Personal nating tinutuklas kasabay ng ating pagbulas ang kaibahan ng dalawang kasarian. Sa panlabas, ang pisikal na katangian ang batayan natin ng kasarian. Iniuugnay sa pisikal na boundary line ang boundary line ng magiging galaw sa lipunan. Ang babae ay para sa lalaki. Ang babae ay mahinhin. Ang lalaki ay matapang. Ang babae ay nagiging ina. Ang lalaki ay nagiging tatay. Kaya OA ang reaksiyon sa sandaling lumihis ang galaw ng babae o lalaki sa mga nakalatag na pamantayan.
Pinalaki tayo sa ortodoksiya na ang Nanay ay Babae at ang Tatay ay Lalaki. Isang masisteng paglalaro sa wika ang pamagat halimbawa na “Ang Tatay Kong Nanay” na pelikulang dekada sitenta na idinirek ni Lino Brocka, pinagbidahan nina Dolphy at Nino Muhlach. Sa pelikula, isang bakla si Dolphy. Iniwan sa kanya ng lover niyang lalaki ang anak nito sa babaeng hindi nito asawa. Ang baklang karakter ni Dolphy ang mag-isang nag-alaga sa bata (Nino) kaya naging “tatay na nanay” siya. Kung sa usapin ng de-kahon na tungkulin ng mga magulang ay malinaw na di kailangang bakla ang lalaki para maging “tatay na nanay” o kaya ay tomboy ang babae para maging “nanay na tatay”. Kung ang nag-iisang magulang ay naghahanapbuhay (gawaing tradisyunal na nakatoka sa Tatay) pero namamahala rin sa mga gawain sa loob ng bahay (tradisyunal naman sa mga Nanay) siya ay tatay na nanay o nanay na tatay anuman ang kasarian niya. May mas angkop na tawag dito: multitasking.
May mga nagkakamali pa rin na iaplay ang konsepto ng dalawang kasarian – Babae at Lalaki – kahit sa konteksto ng LGBT. Pag nagsama ang dalawang lalaki at may anak sila, ang tanong ay sino sa kanilang dalawa ang nanay at sino rin ang tatay. Ang sagot ay walang nanay at wala ring tatay sa kanila sa konotasyon ng salitang “nanay” at “tatay” sa tradisyunal na kasarian. Pareho silang bakla o lesbiyana, as the case may be. Kaya nga ang tawag sa kanila ay pagsasama ng same sex o parehong kasarian at ang kasarian. At ang kasarian na ito – sa labas ng basihan ng Bayolohiya – ay hiwalay sa kasariang Babae at Lalaki. Kaya tinatawag ding pangatlong kasarian o third sex. Bagaman, oo, maaari nating idepina ang pagiging Nanay at pagiging Tatay sa konteksto ng tungkulin sa loob ng pamilya, o sa taglay na emosyonal na katatagan, o iba pang salik. Maselan din ang magkategorya sa punto ng “emosyonal na katatagan” – kapag ba Lalaki ay identidad ang (higit na) emosyonal na katatagan? Sa isang banda’y gumuguho na rin ang pader na naghihiwalay sa mga kasarian sa uri ng mga propesyon/hanapbuhay.
Hindi pa ganap ang pagtanggap sa LGBT, hindi pa nga makapagreretiro ang akronim na ito. Pero patuloy ang laban. Parang niyebe sa Disyembre na natitipon ang mga sumusuporta sa kanilang sosyal (panlipunan) na laban mula sa hanay ng mga liberal at higit pa, mga very liberal, ultraliberal, superliberal, atbpa. Sa huli ay iiral ang lipunang pantao na may tolerasyon sa mga kasariang nasa labas ng tradisyunal na Lalaki at Babae. Bahagi ito ng nagpapatuloy na rebolusyon ng sangkatauhan para sa ganap na kalayaan at pagkakapantay-pantay ng lahat ng indibidwal.
Paradoks sa Ilinoy
Isang paradoks ang estado ng Ilinoy na malakas ang impluwensiya ng ispirituwalidad at relihiyon sa isang banda, at sa kabilang banda’y balwarte ng mga demokrat at mga may liberal na tindig sa maraming bagay. Matatagpuan dito ang mga simbahan, sinagoga, templo, moske, at ibang pugad ng pananampalataya na umaapaw sa dami ng mga dumadalo. Lokasyon din ito ng mga nangungunang laboratoryo at sentro ng adbans na pananaliksik sa iba’t ibang agham at teknolohiya. Sa Ilinoy ay nagsasama nang maluwat ang pananalig at pragmatismo. May pantay na respeto para sa kalayaang pangrelihiyon at karapatang pantao. Kontra sa doktrina ng simbahan ang kasal sa may magkatulad na kasarian pero walang rason sa punto ng batas-sibil upang ipagkait ito. Ganunpaman, hindi masasabing ganap na nasa ‘cutting edge’ ang Ilinoy sa erya ng liberalismo. Sa isang press release ng tanggapan ng gobernador noong Nobyembre 7 (2013) ay ipinahayag ni Gob. Quinn na ang Ilinoy ang magiging panglabinglimang estado ng US na magkakaroon ng “full marriage equality”. Makalipas ang ilang araw ay naaprobahan ang kagayang batas sa estado ng Hawaii. Nang malagdaan sa wakas ni Gob. Quinn ang anya’y “historic legislation” noong Nobyembre 20 ay panglabing-anim na estado na lang ang Ilinoy dahil panglabinglimang estado ang Hawaii sa mga unang nag-aproba sa buong US ng batas na nagtatakda ng ganap na ekwalidad sa pag-iisang-dibdib.
Iba ang sitwasyon ng Pilipinas. Walumpung porsiyento ng mga Filipino ay Romano-Katoliko, mahigit sampung porsiyento ang kasapi ng ibang sangay ng Kristiyanismo na karamiha’y tutol din sa pag-iisang-dibdib ng magkaparehong kasarian. Sa ilalim ng saligang-batas ay may separasyon ng simbahan at estado. Magagawa ng estado sa pamamagitan ng mga institusyon nito (ehekutibo, lehislatura, at hudikatura) ang mga palisi at hakbangin nang hiwalay at kahit pa taliwas sa doktrina ng mga umiiral na relihiyon. Ang problema ay sa uri ng pulitika sa Pilipinas na basta bantog kahit na walang gagawing matino sa bayan ay nahahalal sa mga puwesto sa pamahalaan. Ang kahalagahan ng kasikatan ang nagtutulak sa mga mambabatas para umiwas sa paggawa at pagpasa ng mga lehislasyong bubundol sa mga organisadong relihiyon lalo roon sa mga dambuhala at multimilyon ang kasapian paris ng Simbahang Katoliko. Sa ibang sabi, sa konteksto ng balighong pulitikang umiiral sa Pilipinas ay napipilayan ng relihiyon ang liberalismo at pagtataguyod ng pantay na kalayaan at karapatan para sa lahat. Sa kabilang banda’y pagtataguyod ng demokrasya ang pagsunod sa kagustuhan ng higit na nakararaming mamamayan. Marapat ba na hatulan ang (bulag na) pagsunod ng kapwa-mamamayan sa inaanibang relihiyon? Na ituring itong isyu sa kakapusan ng edukasyon o kakayahang mag-isip nang malaya? Nang hindi rin naman natatapakan ang karapatan at kalayaan niya sa pananalig?
Naunang nilagdaan ni Gob. Quinn noong 2011 ang Senate Bill 1716 na naglalayon na gawing legal ang mga umiiral na unyong-sibil o civil union. Tinawag itong Illinois Religious Freedom Protection and Civil Union Act. May pagkakomplikado itong unyong sibil sa konteksto ng kultura ng mga Amerikano. Sa simpleng paliwanag, ang unyong sibil ay isang pagsasama o partnersip na sibil na hawig sa pagsasama ng dalawang tao na kasal sa isa’t isa pero hindi kinikilala ang kanilang pagsasama at walang proteksiyon ng batas. Ito ang hantungan ng dalawang tao na may parehong kasarian na nais mag-isang-dibdib ngunit hindi ipinahihintulot na sila’y ikasal. Kapag sa isang bayan ay di ipinahihintulot ang same sex marriage, walang pagpipilian ang nagmamahalan na may parehong kasarian kundi pumasok sa isang civil union. Higit na pamilyar sa mga Pinoy ang tinatawag na “live in” pero dapat bigyang-diin na sa kaso ng nagsasamang may parehong kasarian ang unyong sibil ay rekurso sa di pagbibigay-pahintulot ng batas na sila ay maikasal at di dahil sa personal nilang desisyon na huwag magpakasal. Sapul noong 2011 nang kilalanin sa estado ng Ilinoy ang unyong sibil ay mahigit sa anim na libong pareha na may parehong kasarian ang nagdeklara ng pagpasok sa isang unyong sibil. Pero ang SB 1716, sa buod, ay di nalalayo sa isang ‘lip tribute’ lang at hindi ganap na pagbibigay-daan sa ekwalidad.
Dakilang Tagumpay
“This new law is an epic victory for equal rights in America,” pahayag ni Gob. Quinn matapos lagdaan ang Senate Bill 10 na tinawag namang Religious Freedom and Marriage Fairness Act. Mapapansin na sa dalawang batas na kumikilala sa karapatan sa pagsasama at kasal ng mga may parehong kasarian ay unang binabanggit ang “religious freedom”. Ito’y upang gawing malumanay imbis na kumprontasyunal ang dulog sa reyalidad ng diperensiya sa pagitan ng mga karapatang sibil at doktrina ng mga relihiyon. Binibigyang-diin ang kalayaan sa pananampalataya ng bawat indibidwal kaalinsabay ang pagtataguyod sa pagkakapantay-pantay sa lahat ng mga karapatan. Hindi dapat nagtutunggalian ang mga karapatan bagkus ay umaagapay sa isa’t isa.