ShareThis

  ESTADO

Ang Kaso (at Cash) sa Luwas na Kasambahay



Batay sa isang ulat, sa 2014 ay magiging pinakamalaki pa rin ang kahingian o demand sa mga kasambahay ng mga parukyanong bayan para sa mga iniluluwas na bisig ng Pilipinas o OFW. Sa lahat marahil ng mga manggagawa na may mababang antas ng kasanayan na kakailanganin sa ibang mga bayan ay mga kasambahay ang mananatili ang kahingian. Matututong magpatakbo ng mga makina ang mga mamamayan ng isang dating atrasadong bayan, mapaaangat ang edukasyon ng susunod na henerasyon para maging doktor, nars, inhinyero, arkitekto, at mga katulad. Magiging bihasa sila sa Ingles at manggagaling na sa lokal na populasyon ang magiging tagapagturo ng wikang ito sa kabataan. Pero walang makahahalili sa malayong hinaharap sa serbisyo ng mga kasambahay sa maraming pamilya sa maraming bayan.

Superkasambahay
Maaalala na noong termino ni Gloria Macapagal-Arroyo ay namarali siya na ang mga kasambahay na Pinoy (na tumutukoy sa kapwa babae at lalaki) na iniluluwas sa iba’t ibang bayan ay ita-transform ng kanyang administrasyon sa pagiging “superkasambahay” dahil bukod sa paggawa sa mga gawaing-bahay ay makapagtuturo ng wikang Ingles, makapagsisilbi bilang nursing aide, at kung anu-ano pang ekstra. Pero wala yata siyang nabanggit tungkol sa negosasyon sa pagtaas ng suweldo ng mga ito. Dadagdagan daw ang kasanayan para raw maging kumpetitibo sa pandaigdigang merkado ng mga iniluluwas na yamang-bisig. Na mismong punto ng unang talata. Per se ay kailangan ng maraming bayan sa mundo ang serbisyo ng mga kasambahay na Filipino sa kasalukuyang presyo nito. Kung sa pagiging kasambahay lang ay kumpetitibo na tayo sa pangunahing rason na mangilan-ngilan (na lang) ang mga bayan kahit sa 3rd world na nagluluwas pa nito. Saanmang lalawigan o sityo manggaling ang mga iluluwas nating kasambahay ay superyor pa rin sa ibang lahi dahil ekspiryensado na sa paggawa ng mga manwal na gawain sa bahay at may kasama pang likas na malasakit. Kahit pa gawing superkasambahay ang mga iluluwas natin, sa huli ay bahala na si Batman sa kapalaran nila pag nasa ibayong-dagat na batay sa hakbang ng gobyerno sa pangangalaga sa kanilang kaligtasan.
Ang ideya sa likod ng pag-angkat ng kasambahay ng ibang lahi ay nakasandal sa prinsipyo ng kawalan ng pagkakapantay-pantay. Ang isang ordinaryong pamilya sa Hong Kong, halimbawa, ay makakayang kumuha ng kasambahay na buhat sa Pilipinas dahil ang ipapasahod dito ay maliit na bahagi lang ng buwanang kita ng isang taga-Hong Kong.
Kung ang isang tao – bagong-salta o hindi – ay pinasasahod ng halagang barya lang sa sahod na natatanggap ng ibang naninirahan sa loob ng isang bayan base sa lahi o uri ng pagkatao ang patakarang ito’y mistulang variation lang ng sinaunang mapang-aliping sistema na pinairal ng mga lahing Puti sa mga lahing may kulay sa Carribean, sa US, at iba pang lugar. Walang pagkakapantay sa karapatan ang mga panginoon at alipin. Kumbaga sa hatian sa pritong manok, ang lahat ng laman ay para sa panginoon at ang mga buto ay para sa alipin na kaya lang ipinupukol sa kanya ay para patuloy siyang mabuhay at makapagsilbi.

Tradisyunal na Inhustisya
Waring walang tuloy-tuloy na pagtataas ng boses laban sa pamahalaan ng Pilipinas sa pagkunsinti sa sitwasyong ito. Ang ilan sa mga nagnanais makapag-abroad bilang kasambahay ang mismong nagagalit sa mga kumokontra. Malaking pera para sa kanila ang halimbawa’y 400 dolyar-US na isang buwang suweldo na posibleng kitain sa ibang bayan. Kalahati lang ng halagang ito ang tipikal na sahod sa Pilipinas. Magtipid-tipid lang habang nagtatrabaho sa ibang bayan ay makakaipon at uunlad ang buhay – pag-unlad sa konteksto ng kalagayang pangkabuhayan ng karaniwang mga Pinoy at di sa internasyunal na pamantayan ng kalidad ng buhay. Pero hindi ito – ang hangaring gumanda ang buhay – ang tunay na rason sa likod ng atraksiyon na maging kasambahay sa ibang bayan. Ang sistemang pang-aalipin sa kapwa ay umiiral sa Pilipinas. Nasa mga sakada sa mga asyenda sa kanayunan at mga trabahador sa mga pabrika sa kalunsuran. Nakatanim o built-in na sa katauhan ng karaniwang mga mamamayan ang tolerasyon para sa kaalipinan. Kapag masaya ka na sa pang-aliping sahod na bigay ng mga panginoong piyudal at lokal na kapitalista, hindi mo ba iwewelkam nang bukas-palad ang pang-aliping sahod na doble sa dati mong tinatanggap na ibibigay ng mga banyaga sa pagdayo sa bayan nila?
Sino ang nagtatakda at nakikipagnegosasyon sa mga banyagang nagrerekrut ng mga kasambahay sa dapat ibigay na sahod sa mga kasambahay na Pinoy? Ang gobyerno ng Pilipinas. Patakaran ng gobyerno ng bansa na tanging sa pamamagitan ng gobyerno maisasagawa ang transaksiyon ng alinmang bayan na nagrerekrut ng Pinoy na kasambahay. Nililisensiyahan lang ang mga legal na rekruter o mga kumpanyang naghahatid-serbisyo sa proseso ng rekrutment ayon sa taning na panahon at kundisyon ng lisensiya na ipinagkaloob ng gobyerno ng Pilipinas. Anuman ang umiiral na mga kundisyon sa pagrekrut ng mga OFW ay may kinalaman ang gobyerno at may aprobal nito.
Sa US, mga multimilyonaryo lang ang nakakayang magpasahod ng kasambahay dahil sa patakaran na ang ipapasahod dito ay hindi bababa sa legal na minimum na sahod, bukod pa sa mga benepisyo gaya ng seguro sa kalusugan. Kung ang ordinaryong Amerikano ay minimum lang ang sahod, ibig sabihin ay pareho lang ang kita niya sa isang kasambahay. Kaya pangarap lang sa isang ordinaryong Amerikano ang magkapag-hire ng kasambahay gaano man kalaki ang pangangailangan niya sa serbisyo nito. Samantala, malaki pa ang buwanang kita ng isang Amerikano kesa halimbawa sa isang nasyonal ng Hong Kong. Pero kaya ng isang taga-Hong Kong na magbayad sa serbisyo ng isang kasambahay na Pinoy dahil pinapayagan sa batas ng Hong Kong na di parehas ang suweldo nila. Batas na payag din ang gobyerno ng Pilipinas na pairalin vis-à-vis mga luwas na kasambahay. Sa US, gobyernong Amerikano ang nagtakda na ang minimum na pasahod ay para sa lahat – mamamayan man o dayo. Sa parehong posisyon, pareho ang reyt ng sahod ng isang nars na ipinanganak sa US at nars na galing sa Pilipinas na nakapasa sa CGFNS. Kaya kung magrerekrut ng kasambahay – buhat sa Pilipinas man o Nepal – may kontrata sa pagitan ng US at employer ng kasambahay na nagpapahayag ang huli na may kakayahan siya na pasuwelduhan ang nirerekrut na kasambahay nang ayon sa legal na minimum wage sa US. Maraming Amerikanong multimilyonaryo na nangangailangan ng (mga) kasambahay – bakit kanyo walang malawakang rekrutment ng mga kasambahay sa US? Dahil may isa pang kundisyon na maaari lang magrekrut ng mga kasambahay buhat sa ibang bayan kung walang makuhang aplikante na nasa US na. Kung ang sahod ng kasambahay sa US ay nasa legal at pantay na minimum wage, hindi mawawalan ng aplikante. Maraming Pinoy sa US na nag-aaplay – mga Pinoy na napunta sa US hindi bilang luwas na manggagawa kundi dahil napetisyon o bilang legal immigrant. Sa Hong Kong, hindi kukuha ang isang karaniwang Hongkongese ng kasambahay na kapwa Hongkongese kung kailangang pasuwelduhan niya ito sa halagang singlaki ng sinusuweldo niya, ngunit maaari siyang kumuha ng kasambahay mula sa Pilipinas na (na)babayaran nang mas mababa. Parehong tao, hindi pareho ang kumpensasyon sa parehong serbisyo. Parehong payag sa inhustisya na ito ang mga gobyerno ng Hong Kong at Pilipinas.

Tama ang Trabaho, Mali ang Suweldo
Madalas sa sosyalan – basta may ebentong para sa mga Pinoy/Fil-Am – ang mga opisyal at kawani ng embahada at mga konsulado ng Pilipinas sa iba’t ibang medyor na lungsod sa US. May wastong presentasyon sa pananamit sa lahat nang oras ang mga nasabing opisyal at kawani dahil hinihingi ito ng kanilang posisyon bilang kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas. Pero sa usapin ng pasahod, mas malaki pa ang sinasahod sa kanila ng mga caregiver o tagalinis dahil sa reyt ng bayad sa serbisyo na batay sa patakaran ng US habang ang suweldo ng mga taga-embahada at konsulado ng Pilipinas ay batay sa reyt ng Pilipinas, bagaman sa dolyar din upang magamit sa kinadedestinuhang lugar sa US. Totoo rin na sa US minsa’y mas mataas pa ang kita sa mga nag-oopisina ng mga manggagawa na marungis kung tingnan o nasa mga trabahong minamaliit sa Pilipinas gaya ng kolektor ng basura. Isa lang ito sa mga kaibahan sa pananaw sa paggawa ng mga Pinoy at Amerikano. Pero nagbibigay-ideya na – depende sa patakaran ng isang bayan – walang mababa sa marangal na trabaho. Ang laging isyu – sa Pilipinas man nagtatrabaho o saanmang bayan sa mundo bilang OFW – ay ang di tamang pasuweldo at patakaran ng pasuweldo na ibinabatay sa kaurian ng pagkatao.
Magpasalamat tayo kay Bise Presidente Binay na nagtatayo ng haligi ng pagwawagi sa halalang pampanguluhan sa 2016 sa masugid na paghingi ng limos mula sa sambayanang Filipino para sa blood money ng mga OFW na nakatakdang bitayin sa ibayong-dagat. Kung mananalo (nga) siyang pangulo, kakailanganin ng administrasyon niya ang patuloy na daloy ng multibilyong dolyar na remitans ng mga OFW na suhay ng ekonomiya ng bansa. Mga OFW na ang nakararami ay mga kasambahay. Limitado ang problema ng mga bagong bayani – sa perspektiba ng ating pangalawang pangulo marahil – sa kasiguruhan na makauuwi pa sila sa pamilya na nakakabit ang ulo sa katawan habang taun-taon ay nagdedeploy ng karagdagang libo-libong bagong henerasyon ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bayan.




Archives