Talang-pangtalampakan lang sa kabuuang kasaysayan ng Pilipinas ang pangalan ni Kakosang Francisco Balagtas subalit bilang makata siya’y isang higanteng pigura. Ang bigat ng pagkamakata ni Balagtas, sa aking tuos, ay mas sumalalay sa kadahupan ng panulaang may baylayn sa pangkalahatang kamalayan ng mga Pilipino at di sa intrinsikong ekselensiya ng kanyang mga tula. Isang baul daw ang mga akda ni Balagtas, na di kataka-taka kung naging opisyo niya ang komersiyal na pagsusulat sa kanyang panahon. Pero sa huli’y mabibilang sa mga daliri ng isang kamay ang ngayo’y may aktuwal tayong nababasa na bunga ng kanyang haraya at kasanayan sa pagsusulat. Kung magtatanong sa alam na Pilipinong makata sa unang tao na makikita sa kalsada, si Balagtas ang mahigpit na karibal ni Gat Jose Rizal. Kung ikukunsidera nating dibersiyon lang kay Gat Rizal ang pagtula, lilitaw na di tayo lumaya bilang lahi sa panulaan ni Balagtas. Conversely, masasabi rin natin na hindi pa natin pinalaya si Balagtas sa (mga) maling persepsiyon natin sa kanya at sa mga akda niya.
Icon ng Kulturang Popular
Kung hindi ba naman, siya ang sa ika-19 siglo ay pigura ni Bob Ong sa ika-21 siglo. Siya rin ang ex-pambansang alagad-sining Carlo Caparas sa ika-20 siglo. Hindi naman PAS (pambansang alagad-sining) sina Bob Ong at Caparas kaya marahil ay pang-iskolar ang paghahambing. Di kinilala ng establisimyentong Kastila ang romanse sa wikang Tagalog ni Balagtas bagaman di rin sinupil dahil lumalapat naman sa alituntuning pangkaayusan ang taglay na kahungkagan ng obra niya na gaya ng Florante at Laura. Pero dahil nga magaan at kaaliw-aliw kaya buong-puso at lukbutang niyakap ng sambayanang Indiyo. Ang ibig sabihin, noon at ngayon ay inaasahan natin ang ganitong padron. O, ibahin din natin ang anggulo ng kahatulan. Kaya ang bestseller sa popular na kultura circa-1838 ay itinuring paglaon na rebolusyonaryo ayon sa naglabo-labong mga konteksto.
Ang mahigit tatlong siglo ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas ang maituturing na “Dark Age” ng ating lahi. Yugto ng ating pambansang kasaysayan na nagwakas sa pagbungad sa pambansang tanghalan ng mga tinawag na propagandista ng reporma sa huling bahagi ng ika-19 siglo. Ang tatlo sa pinakamalalaking pangalan sa hanay ng mga nasabing propagandista, na maaaring pagtalunan, ay sina Gat Rizal, Marcelo del Pilar, at Graciano Lopez Jaena. Dalawa sa tatlong nabanggit ay nagbuhat sa tribung Tagalog-ispiking at parehong mas mahusay magsulat kay Jaena na magtalumpati ang espesyalidad. Dahil sa, o salik ang, malumanay na adbokasya ng mga propagandista ay naitatag ng isang pangkat ng mga Tagalog-ispiking din sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio ng Tundo ang mapagpalayang Katipunan ng mga anak ng bayan na mga di laki sa layaw at sa hatol ay di salat. Nanggaling sa isa pang sangay ng inang-tribung-Katagalugan (Cavite) si Emilio Aguinaldo na magiging pangulo ng idedeklarang republika na ang chief legal officer at punong tagapagdoktrina, si Apolinario Mabini, ay isa ring anak ng Katagalugan (Batangas).
Isinilang si Balagtas noong Abril 2, 1788 sa Baryo Panginay sa Bigaa, Bulakan at namatay noong Pebrero 20, 1862. Namuhay sa mahabang panahon sa Maynila partikular sa distrito ng Pandacan. Relatibong umasenso ang buhay. Nabilanggo. Nakapagsulat ng maraming mga dula at tula kabilang ang awit na Florante at Laura.
Pangkulturang Komponent ng Rebolusyon
Ang sining ay itinuturing na midyum ng rebolusyon na mapayapa at kasiya-siya o katanggap-tanggap sa mas marami. Kaya naman nilapatan ng mga eksperto (raw) ang (mga) “himagsik” diumano ni Balagtas na nakapaloob sa Florante at Laura. Naging idolo si Balagtas ng mga direktang sumunod na henerasyon sa kanya na magiging mga tunay na tagapaghimagsik mula kay Gat Rizal hanggang kay Mabini. Naging isang benepisyaryo (direkta at indirekta) si Balagtas nang paglaon ay pag-imbulog sa tanghalan ng pambansang kasaysayan ng mga nabibilang sa iba’t ibang tribung Tagalog na sumaklot sa pulitika e.g. Aguinaldo, Quezon, hanggang sa armadong pakikibaka e.g. Heneral Gregorio del Pilar, Miguel Malvar, Macario Sakay at sa lahat-lahat na ng aspeto ng hegemonya sa kapuluan ng Katagalugan. Kung kailangan ang kultural na komponent ng rebolusyon ay natagpuan iyon sa mga akda ni Balagtas.
May mga nagsasabing si Balagtas ang William Shakespeare ng Pilipinas. Para sa akin ay malayo. Katiting lang ang bersograpiya ni Balagtas kumpara sa bolyum-bolyum na mga akda ni Shakespeare. Kung sabagay, parehong mayaman sa mga aphorismo at masisteng punto ang mga akda ni Shakespeare at ang Florante at Laura ni Balagtas. Pero kahit na si Shakespeare ay di itinuturing ng mga Ingles at Ingles-ispiking na “Balagtas ng Inglatera”. Sa yaman ng baul ng panulaan sa wikang Ingles ay ‘arguable’ ang dominasyon dito ni Shakespeare kumpara sa itinuturo sa mga klasrum sa Pilipinas na absolutong dominasyon ni Balagtas sa wikang Tagalog. Kung sa isang pelikula ay tinawag si Gat Rizal na (pambansang) “Bayaning 3rd World” ay maaari ring tawagin si Balagtas na (pambansang) makatang 3rd world.
Marahil, naging pinakamatindi ang pag-abuso at disabuso sa pamanang literatura, katauhan, at pangalan ni Balagtas sa ika-20 siglo nang magkaroon ng pinakamaraming pagbabaliktanaw at pagmumuling-suri sa kanyang mga akda at personal na kasaysayan. Marami ang nakinabang na at patuloy na nakikinabang sa paggamit at pagsabit sa madyik ng kanyang pangalan para sa isa iba’t ibang motibasyon mula sa kalap-donasyong pangkultura/pampanitikan hanggang sa lapat-balidasyon sa posisyon sa dispensasyong pangkultura/pampanitikan. Sa mga ito, isa na sa mga organisasyong nakapag-establisa ng pusturang lehitimo (marahil) ang tinawag na Gawad Balagtas na ipinagkakaloob ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Sa kabilang banda, masasabi ring mas nakatukod ang prestihiyo ng Gawad Balagtas ng UMPIL sa kadahupan ng mga aktibong malalaking organisasyong pampanitikan kesa sa likas na angking halaga nito batay sa integridad at pagkilala ng talagang mayorya ng hanay ng mga manunulat sa kapuluan. Sa pananaw marahil ng UMPIL, ang Gawad Balagtas ay may alingawngaw ng halimbawa’y Premio Cervantez sa mga akdang-panitikan sa wikang Kastila. Ang Gawad Nobel sa Panitikan na mas prestihiyoso sa Premio Cervantez ay dala ang pangalan ng isang alagad ng agham, isang imbentor. Ang (mga) Gawad Shakespeare ay walang pambansang saklaw bagkus ay ibinibigay ng mga organisasyong pampanitikang maliliit lang at nasa palugitan ng dispensasyon. Si Shakespeare ang itinuturing na katapat ni Balagtas bagaman nasabi ko na ngang unano lang si Balagtas kumpara sa pangsentro ng basketbol na tangkad ni Shakespeare sa kamalayan ng lahat ng lahi sa mundo.
“Balagtasismo” vs. Balagtas Mismo
Panahon ng diktadura ni Marcos, naglimbag ng makapal at mamahaling libro si Virgilio Almario na may pamagat na Balagtasismo vs. Modernismo. Kung isusuma, ang BVM ay isang magarbong limbag at luho na posible lang sa isang awtor na gaya ni Almario. Sa isa sa mga unang rebyu pagkalabas ng nasabing aklat na mula kay Isagani Cruz ang hatol, ayon sa pagkakaalala ko, ito’y sinalsal na diskurso sa isang payak na proposisyon. Ngayon ay puntirya rin ang BVM ng mga atake ng mga manunulat na nakababata at maging beteranong gaya ni Gelacio Guillermo na nagsabing ang “Balagtasismo” na ayon sa BVM ay kumakatawan sa sinaunang tradisyon at pananalig ay pailalim na itinataguyod ng buhay at panulat ni Almario sa mga tagasunod niya kontra sa tunay na prinsipyo ng modernismo. Na bilang dayhard na “Balagtasista” sa kabila ng pusturang modernista ay ipinagkakanulo si Almario ng mismong mga aral na ipinalalaganap at huwarang ipinakikita sa mga tagasunod niya.
Ang totoo’y walang masama kung kilalanin ang akomplisment ni Balagtas. Ang Florante at Laura ay isang marikit na tulang may katamtamang haba na makapagsisilbing padron sa paggamit ng tugma, sukat, tayutay, at sari-sari pang nasa arsenal ng poesya. Kaya lamang nagkakaproblema ay sa nagsasanga-sangang interpretasyon sa pagkatao ni Balagtas at sa sinasabi niya sa kanyang mga tula. Sa madaling-salita, ang isyu ay sa paraan na ginagamit at nagagamit si Balagtas.
Ginunita noong 1988 ang bisentenaryo o ika-200 taon ng kanyang pagsilang at ang sesquicentennial ng kanyang pagyao noong 2012. Di ko alam ang ganap na antas ng pagdiriwang ng bisentenaryo at seskisentinyal, kung nagkaroon man. Kahit kailan ay di naman ako naging bahagi ng dispensasyong pampanitikan at alinmang formal/opisyal na aktibidad nito sa alinmang okasyon. Nagmamasid lang ako na gaya ng karaniwang mga mamamayan. Bumuo ng Balagtas Bicentennial Commission, ayon sa ulat, na di ko alam ang naging (mga) akomplisment. Malamang ay naging espesyal ang taunang programa ng UMPIL kaugnay ng seremonyas ng Gawad Balagtas nito sa taon na iyon. Mas naging markado ang mga papel na gaya ng 200 Taon ni Balagtas ng antropologo ng kultura na si Florentino Hornedo na nginuya ng mga manunulat na gaya ni Tomas Agulto at ibang kontra sa at pariah ng ‘Balagtas-oriented’ na namamayaning kurikulum sa panitikan ng Pilipinas.