ShareThis

  ESTADO

Pinoy sa Winter Olimpiks



Hindi na bago sa Pilipinas na ang pamilya ng isang pang-olimpiks o pang-internasyunal na kalibreng batang atleta ang nagbubutas ng bulsa upang mapondohan ang mga gastusin sa paglahok nito sa mga kumpetisyon sa labas ng bansa. Halimbawa na rito ang mga batang leyon ng ating bayan sa pandaigdigang ahedres, ang mga grandmaster na sina Wesley So at Mark Paragua na sariling sikap at suporta ng sariling pamilya ang naging haligi upang maiwagayway ang watawat ng Pilipinas sa ahedres. Bukas na aklat ang pinagdaanan ng Pambansang Kamao, si Manny Pacquiao, na buhat sa sariling-sikap ay narating ang tugatog ng boksing. Minsan pa’y naulit ang kuwentong ito sa buhay ni Michael Martinez sa figure skating na tinaguriang pinakabagong inspirasyon ng sambayanang Pinoy. Minsan pa’y nahuling natutulog sa pansitan ang gobyerno nang maisiwalat ang kawalan nito ng suporta sa lakbay patungong tugatog ng isa nating atleta na world class ang kakayahan.

Finalist sa Winter Olimpiks

Matapos ang malalalim at maseselan na balita tungkol sa pribilehiyong talumpati nina Senador Jinggoy at Senador Bong Revilla sa senado kaugnay ng pagkakasangkot nila sa pork barrel scam at pagkakabugbog kay Vhong Navarro sa isang condo ay higit pa sa hanging-amihan sa rurok ng pambansang pagkabanas ang ulat na nakapasok si Michael Martinez sa finals ng kumpetisyon sa figure skating sa 2014 Winter Olimpiks sa Sochi sa Rusya. Laging ang bulto ng mga bayang kasali sa winter olimpiks ay may panahon ng winter e.g. Hapon, Tsina, at Timog Koreya sa Asya. May umingos sa paglahok ng Pilipinas sa nasabing olimpiks, bagaman di ito ang unang pagkakataon na lumahok. Sa bawat isang may pintas ay isandaan o higit pa ang nakadama ng katuwaan at pagmamalaki. Bilang nanggaling sa bayang tropikal ay dehado si Michael. Espesyal ang panalo ng isang dehado. Kung nakagintong medalya siya sa unang paglahok sa olimpiks ay lalo sanang pambihirang pangyayari. Nadaig pa ng Pilipinas ang Hapon na isang bayan na may winter. Ang makaabot sa finals ay di na rin matatawaran. Gaya nang kasabihan, may mga susunod pang buhos ng niyebe kahit sa bayan na tropikal na gaya ng Pilipinas. Bagaman ironiya rin kung mauuna pang makaginto ang mga Pinoy sa olimpiks sa taglamig kesa sa olimpiks sa tag-araw.
Si Yuzuru Hanyu ay nagtamo ng unang gintong medalya ng Hapon sa figure skating sa nasabi ring winter olimpiks. Bago sa Sochi ay parehong gumawa ng sariling landas sina Yuzuru at Michael patungong winter olimpiks kahit langit at lupa ang diperensiya ng Hapon at Pilipinas sa nasabing larangan. May winter sa Hapon kaya bahagi ng pamumuhay ang niyebe at ang nagyeyelong lupain. May programa ang Hapon para sa mga isports na pang-winter kaya formal na nalilinang ang kasanayan ng mga atleta nito sa iba’t ibang kumpetisyon. Na parehong wala sa Pilipinas. Kaya sa punto pa lang na nagsariling-sikap si Michael ay masasabing tsampiyon na siya nang umabot sa finals. Lumang kuwento na, na pag lumikha na ng pangalan ang isang atletang Pinoy ay saka lang papapel ang gobyerno. Pero nasaan ang mga lider sa isports at ang mga tulong-pinansiyal noong nagsisimula pa lang siya?

Akomplisment ni Michael Martinez

Istrikto sa usaping-isports, tatlong bagay ang akomplisment ni Michael. Siya ang unang taga-timog silangang Asya na naging kuwalipikado sa winter olimpiks. Siya rin ang unang nagmula sa nasabing rehiyon na umabot sa finals ng kumpetisyon sa figure skating sa winter olimpiks. Bilang pang-19 sa kabuuan na 24 na nangungunang figure skater sa mundo, siya ang may pinakamataas na ranggo (rank) sa buong timog silangang Asya. Maaaring itanong – Ano ba naman ang big deal kung numero uno siya sa ASEAN na puro bayan na malapit sa ekwador kaya tropikal ang klima at di bahagi ng buhay ng mga tao ang niyebe? Ganitong uri ng lohika ang nagbubunsod din ng katanungan na bakit nga ba regular na aspirante ang mga Pinoy sa mga pandaigdigang turnament sa basketbol na larong ang tangkad ng mga manlalaro ang mahalagang rekisitos. Hanggang ngayo’y nasa unang limang nangungunang pambansang koponan sa basketbol sa Asya ang Pilipinas gayong maraming lahing Asyano na mas matataas sa mga Pinoy. Inilalampaso ng mga basketbolistang Pinoy ang mga Hapon, Indiyan, Pakistani, taga-Kazakhstan, atbpa. Pinoy ang undisputed na hari ng basketbol sa ASEAN. Ang Pilipinas ang nakapagtala ng pinakamataas na puwesto para sa isang bansang Asyano nang maging pangatlo sa pandaigdigang kampeyonato sa basketbol noong 1954 sa Brazil. Samantala, hindi ba dapat ay kabilang ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa sa pahusayan sa paglangoy dahil ito’y kapuluan na mas malawak ang angking karagatan kumpara sa ibang bayan na humahakot ng gintong medalya sa paglangoy sa olimpiks at ibang internasyunal na kumpetisyong pang-isports? Ang ibig sabihin, ang isports ay usapin ng disiplina ng atleta at programa ng gobyerno. Ang topograpiya at klima ay mga salik lang sa puntong may kawing ito sa kultura ng mga mamamayan. Ang ekselensiya sa isports ng isang lahi ay nagbibigay din ng impresyon ng pagiging malusog ng lahing ito.
Magastos ang paglinang ng galing sa alinmang isports. Kailangan ang mahaba at konsistent na pagsasanay. Habang nagsasanay ang isang atleta ay di maaaring pinoproblema niya ang kakainin niya, gagamiting pasilidad at mga kasangkapan. Maraming may potensiyal na atletang Pinoy na napilitang kalimutan ang ambisyon sa palakasan upang unahin ang paghanapbuhay. Wala pa ni isang gintong medalya sa boksing sa olimpiks ang Pilipinas gayong mahaba ang talaan nito ng mga naging kampeyon sa buong mundo. Nauna pang nakaginto ang Tayland. Imbis kasi na manatili sa kalinga (kung may kalinga) ng gobyerno ay minabuti pa ng mahuhusay na boksingero na maging propesyunal imbis na magrepresenta sa Pilipinas. Ang mga boksingerong Pinoy ay di gaya ng mga boksingero sa US, Cuba, at ibang bayan na ang mga may medalyang ginto ay produkto ng programa ng gobyerno sa pang-amatyur na boksing. Naging boksingero si Pacman at iba pang naging kampeyon dahil kailangan nilang kumita ng kakainin sa bawat araw. Sa kaso ni Michael, naging libangan niya sa umpisa ang ice skating. Nang seryosohin niya ang paglinang sa talento sa figure skating ay suportang pinansiyal ng sariling pamilya ang naging tukod niya.

Pambansang Dangal

Nagsimula si Michael sa mga ice skating rink sa mga shopping mall. Maraming sangay ang SM na may ice skating rink. Ang nasa Mall of Asia ay pang-olimpiks ang laki na pinagdarausan din ng larong hockey. Tama, may laban ng mga koponan ng hockey sa Pilipinas. Dito sa Chicago ay popular ang hockey lalo’t nag-uuwi ng Stanley Cup ang Chicago Blackhawks. Sana’y magkaroon ng ehibition game sa MOA sa mga darating na panahon ang Blackhawks lalupa’t nagising ang interes ng sambayanang Pinoy sa mga isports na pangniyebe.
Ginagawa na raw ng tao ang mag-ice skating sa panahong prehistorik pa na gamit ang buto ng mga hayop. Ang ice skating ay nagagamit bilang libangan, ehersisyo, at paraan ng paglalakbay. Ang figure skating – na tinatawag ding “artistic skating” – ay sinasabing nasa pagitan ng pagiging isang isport at isang sining. Itinuturing ito na isa sa mga pinakasikat na spectator sport sa mundo. Hindi basta nagagawa ang mga lundag, pihit, ikot o spin, indak, kandirit, freestyle, at sari-saring maniobra ng katawan ng iskeyter sa yelong sahig. Bilang isport man o sining, nangangailangan ito ng mga de-kalibreng tagapagturo. Higit pa, dapat ay may sapat na gamit at pasilidad.
May magtatanong din – Bakit ba kailangang magpasikat ang isang bayan sa larangan ng isports? May mapapala ba kung gagastos para sa programang pang-isports? Hindi ba magmumukhang pambansang egosentrismo lang ‘yan? Tumpak. Pambansang ego ang nakataya. Mas angkop: Pambansang dangal. Kung may karapat-dapat ipagmalaki ang isang bayan, nauuna rito ang galing ng mga atleta. Ito mismo ang diwa ng olimpiks. Ang lahat ng bansa sa mundo ay nabibilang sa isang kumunidad. Bilang global na pamayanang may pagkakasundo at pagkakaibigan, idinaraos ang olimpiks na may ispiritu ng kompetisyong pangmagkakaibigan. Ang olimpiks sa tag-araw at taglamig ang maituturing na dalawa sa pinakamasasaya at pinakamakabuluhang pagsasalusalo ng sangkatauhan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga kulay, paniniwala, at antas ng kabuhayan. Kung may maiyayabang ang alinmang bayan, ang kaangatan nito sa mga tunggaliang pampalakasan ang pinakamainam. Ang bawat atleta ay embahador ng sariling bayan at kinatawan ng kahusayan ng kinabibilangang lahi.




Archives