Para sa isang lider ng isang bayan, mataray ang tahasang pagkumpara ni Pangulong Noynoy sa mga aksiyon ng Tsina sa Asya sa kasalukuyan sa naging mga aksiyon ng Nazi Alemanya sa Yuropa noong nakalipas na siglo. Na mabilis na sinagot ng mga propagandista ng pamahalaan sa Beijing na si P-Noy daw ay amatyur na pinuno at kapos ang kaalaman sa kasaysayan.
World War I at World War II
Magpipitumpung taon na sapul nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na itinuturing na digmaang may pinakamaraming namatay na tao at nawasak na ari-arian sa buong kasaysayan ng paninirahan ng tao sa mundo. Ayon sa isang obserbasyon, nabubura na sa kamalayan ng sangkatauhan ang lagim na dulot ng WW II. Nauubos na ang henerasyong nakasaksi nito na magbibigay-babala na di na dapat maulit ang puksaan sa pagitan ng mga bansa.
Sa mas malalim na pagsusuri ay mas masalimuot ang pinag-ugatan ng WW II subalit dumikit na sa kamalayan ng marami na ito’y ibinunsod ng ambisyon ni Adolf Hitler at Nazi Alemanya na maghari sa mundo. Pinasimple ang puno’t dulo ng WW II sa pagsasabing ito’y gera na likha ni Hitler at Nazi Alemanya. Hindi ang mga Nazi lang ang talagang pumapel na kontrabida sa WW II kundi pati ang Italya sa pamumuno ni Benito Mussolini at Hapon sa ilalim ng mga militarista. Kahit magkakaalyado sa tawag na Axis, may sari-sarili at magkakahiwalay na adyenda ang tatlong bansa sa paglusob sa ibang lupain. Sa mas malawak na sukatan ng pagiging kontrabida, hindi ang Alemanya, Italya, at Hapon lang ang mga Paquito Diaz ng kasaysayan. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay kuwento ng iba’t ibang imperyo na naitatag sa pamamagitan ng pambubulabog ng mga lahing mas malakas sa mas mahina. Ang Britanya at Pransiya na mga bida sa WW II ay kabilang sa mga may pinakamaraming inaliping ibang lahi sa lahat ng lupalop. Ang lahing Amerikano sa kasalukuyan ay nakatungtong sa bangkay ng mga siniil na katutubo sa lupalop ng Hilagang Amerika. Samantala, ang Tsina ay biktima ng imperyalismo ng mga Kanluraning bayan at Hapon hanggang sa kalagitnaan ng ika-20 siglo bago naibalik ang mga nasakop na teritoryo nito partikular ang Hong Kong at Macau.
Lebensraum
Sa isang perspektiba, ang WW II ay inaasahang kabuntot ng WW I batay sa naging takbo ng mga pangyayari. Parehong sangkot ang Alemanya sa dalawang digmaang pandaigdig. Nang matalo sa WW I, sinisi ang mga Aleman na may kasalanan sa lahat nang idinulot na pinsala nito. Na di maatim ng sambayanang Aleman, pagtutol na ginatungan ni Hitler upang makopo ang absolutong poder. Nais ng Alemanya na ituwid ang maling naging tala sa kasaysayan na sila lang ang dapat sisihin sa lahat nang kalagiman ng WW I. Nang sumiklab ang WW II at nalupig nila ang Pransiya ay pinuwersa nila ang mga Pranses na lumahok sa ginawang “reenactment” sa pagtatapos ng WW I. Nais din ng Alemanya na mabawi ang mga teritoryo nila na nawala nang matalo sa WW I. May kasamang tubo. Ang bahaging gusto ng Nazi Alemanya na kumubra ng tubo na dagdag na mga lupain nang maging military supowerpower ito ang pinagbasihan ng paghahambing dito ni P-Noy sa Tsina. Isa-isang sinagpang ng Nazi Alemanya sa pamamagitan ng pag-bully o pananakot ang bayang Austria at ang probinsiya ng Sudetenland sa noo’y Czechoslovakia na ngayo’y nahati sa magkahiwalay na republika ng mga Czech at mga Slovak. Lebensraum, ito ang tawag sa pampulitikang prinsipyo ng mga Nazi sa pagkamkam sa lupain ng ibang lahi. Sa literal na prosa ang ibig sabihin ng lebensraum ay “living space” at sa patula ay tumutukoy sa pagpapalawak ng teritoryo o territorial expansionism batay sa pangkabuhayang pangangailangan.
Suriin naman natin ang sitwasyong pang-ekonomiya ng Tsina. Sumisingasing ang industriyalisasyon ng Tsina sapul sa nakalipas na tatlong dekada. Tinawag itong pabrika ng daigdig sa kasalukuyang panahon. Napakaraming produkto ang iniluluwal ng Tsina mula sa mga de-etiketang saplot at sapatos ng malalaking korporasyon sa US at Yuropa hanggang sa mga mumurahing pangunahing komoditi na dumadagsa sa mga bayan sa 3rd world. Para mamentina ang momentum ng industriyalisasyon ay mangangailangan ang Tsina nang higit na mapagkukunan ng mga panggatong para sa patuloy na pagpapatakbo ng mga pabrika nito. Nakopo na ng US ang Gitnang Silangan at ibang medyor na eksporter ng petrolyo. Nanliligaw ang Tsina sa ibang bayan na wala pa sa kuko ng US para sa higit na pangangailangan ng suplay ng panggatong sa hinaharap. Samantala, ang Dagat Kanlurang Pilipinas na bahagi ng Dagat Timog Tsina ay tinatayang may malaking deposito ng langis, natural gas, at ibang panggatong na naghihintay lang na maeksployt. Bilang kandidato sa pagiging hegemon ng mundo, kailangang isama ng Tsina sa mga pambansang istratehiya para sa malapit na hinaharap ang ganap na pagkontrol sa buong bakuran nito gaya nang napagtagumpayan ng US sa dalawang lupalop ng Amerika. Pero iba ang hamon na haharapin ng Tsina para maging absolutong hari sa Asya gaya ng US sa mga lupalop ng Amerika. Walang economic at military giant sa Hilaga at Timog Amerika habang sa Asya ay may Hapon, Timog Koreya, at Indiya na mahigpit na kakumpitensiya ng Tsina sa antas ng industriyalisasyon at pagkaabante sa teknolohiya.
Singil ng Tsina
Kung babalikan ang kasaysayan ng Tsina, mababatid na parang kinatay na dragon ito noong ika-19 na siglo na ang mga laman ay pinagparte-partehan ng mga imperyalistang taga-Kanluran. Matapos magtagumpay na maitaboy pa-Formosa ng pulahang hukbo ang Kumintang ay di napaigpaw ng programang luksong-Michael Jordan ni Mao Zedong ang ekonomiya ng Tsina. Hanggang sa pumalit si Deng Xiaoping at nareyalisa ang talinghaga ng pagsasanib ng kapitalistang sistemang pang-ekonomiya para sa lipunang sosyalista.
Isa-isa nang nabawi ng Tsina ang mga nabihag nitong lupain. Pero gaya ng Nazi Alemanya, waring hindi ito papayag na walang tubo. Anong tubo ang gusto? Gaya rin ba nang gusto ni Hitler noon na karagdagang teritoryo na higit pa sa talagang pagmamay-ari nila? Lebensraum? Kahit ang mga Nazi noon ay gumamit ng kumbaga’y alibay o preteksto (pretext) sa punto ng legalidad o historya sa pagkamkam sa mga lupang hindi kanila. Nagsimula ang WW I sa lebensraum ng malalakas na bansa sa pagsisimula ng ika-20 siglo. Kahit ang mga itinuring na bida, ang mga bansang Allies na Britanya, Pransiya, at US ay mga mananakop ng mahihinang bansa. Ang kailangan lang sa isang dambuhalang puwersa ay magtagumpay para malapatan ang kasakiman ng mas maririkit na taludturan. Buhat sa panahon ng kasawian ng mga Czech sa kamay ng mga Aleman ay naririto ngayon ang mga Pinoy sa panahon ng agresyon ng mga Intsik.
Sa relasyon ng mga bansa, maaaring di pantay-pantay sa lakas-militar, sa yaman, o sa popularidad, pero pantay-pantay sa karapatan bilang mga estado. Ito ang buod na diwa ng organisasyong Nagkakaisang mga Bansa o United Nations o UN. May mga pandaigdigang kumbensiyon na sinusunod at pandaigdigang hukuman para sa mga usapin sa pagitan ng dalawa o higit pang mga bansa upang hindi humantong ang di pagkakasundo sa digmaan o puksaan ng mga lahi. Sa reyalidad, ang ugnayan daw ng mga bansa ay isang anarkiya. Kahit sa UN ay may di pagkakapantay-pantay bagkus ay may balanse lang para sa malalakas na puwersa. Tanging ang Big Five na US, Rusya, Tsina, Britanya at Pransiya ang may kapangyarihang mag-veto sa alinmang mapagkasunduan ng mayorya ng mga kasapi sa UN. Malayo man sa pagiging perpekto, ayon sa cliché, sa panahon ng mga sandatang nukleyar ay ang UN marahil ang nalalabing pag-asa ng sangkatauhan para maiwasan ang sama-samang pagpapatiwakal.
Kahit garapalan ang mga agresibong hakbang ng Tsina sa pagkamkam sa mga isla na ang pagmamay-ari ay pinagtatalunan pa, nais pa rin nitong panatiliin ang imaheng sibilisado. Mahalaga sa pagpapanatili ng maunlad na ekonomiya nito ang soft power o magandang reputasyon nito sa ugnayang diplomatiko at pangkalakalan. Mahalaga sa pandaigdigang imahe ang pagiging marangal, parehas, at rasonable. Kapag may bansang kagaya ng Pilipinas na kinikilala ng mundo sa parehas at mapayapang pakikitungo sa mga kapwa-bansa na tahasang nagsasabi na ang Tsina ay siga-sigaan at mapangamkam, nababahiran ang pustura nitong may magandang reputasyon.
Maaaring sabihing langaw lang ang Pilipinas kumpara sa Tsina. Pero ang Tsina bilang isang superpower na pangalawa lang sa US sa antas ng ekonomiya, hindi mababalewala ang pinsalang kayang gawin sa imahe nito ng isang langaw. Bilang superpower, gaya ng isang tao ang Tsina na nagsusuot ng mga eleganteng saplot at naglalagay ng pabango ayon sa mataas na istatus nito sa lipunan. Pero paano ka makakapag-project ng sosyal na imahe kung may langaw na umaaligid sa iyo na malinaw na pahiwatig na may itinatago kang bulok? Isa pa, kung nakapang-aasar man ang Pilipinas ay di ito maihahambing sa isang langaw. Maliit ito pero wala itong reputasyon na namemerwisyo sa kapwa-bansa. Minsan, kung alin pa ang mas malaking nilalang ay iyon pa ang namemerwisyo at mas nahahawig sa insekto ang mga ikinikilos.