Part I
Napag-alaman at ipinapahayag ng Pangkalahatang Kapulungan ng Estado ng Ilinoy ang mga sumusunod:
1. Ang domestic and sexual violence ay biktima ang marami anuman ang edad, lahi, antas ng edukasyon, kalagayang panlipunan at pangkabuhayan, relihiyon, o trabaho.
2. Ang domestic and sexual violence ay may malalang epekto sa isang indibidwal, sa kanyang pamilya, kumunidad, at sa pinagtatrabahuhan.
3. Tinatayang umaabot sa 15 porsiyento ng nagugugol taun-taon sa kabuuang gastusin bunga ng krimen sa US ay sa domestic violence.
4. Batay sa mga ulat, ang karahasan sa kababaihan ang nangungunang sanhi ng kanilang mga pisikal na pinsala. Karahasan na may malalang epekto sa kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan at sa kanilang pinansiyal na katatagan.
5. Batay sa mga sarbey ng pamahalaan, umaabot sa 87 porsiyento ng mga biktima sa karahasang nagaganap sa loob ng isang relasyon ay kababaihan.
6. Mas malaki ang tsansa na ang babae sa halip na lalaki ang maging biktima ng pagpatay kaugnay ng umiiral na relasyon.
7. Batay sa pagtaya ng gobyerno, umaabot sa 89 porsiyento ng mga nagagahasa taun-taon sa US ay kababaihan.
8. Tinatayang apat sa bawat limang tao na biktima ng stalking ay babae. Kapag sinabing stalking, ang isang tao ay hina-harass o tinatakot sa pamamagitan ng pagtiktik dito, pagbantay dito mula sa labas ng bahay o sa trabaho, wala sa lugar na pagtawag-tawag dito sa telepono, pagpapadala ng mga hindi kanais-nais na liham o regalo, o pagsira sa gamit nito.
9. Sa US, ang empleyado na biktima ng domestic violence, dating violence, sexual assault, o stalking ay kadalasang siya pang dumaranas ng masamang kunsekuwensiya sa trabaho bunga ng pagiging biktima niya.
10. Sa US, ang empleyado na biktima ng domestic violence, dating violence, sexual assault, o stalking ay nakakatikim ng pagbabanta na matatanggal sa trabaho at mawawalan ng seguro sa kalusugan (health insurance) kaugnay ng pagiging biktima niya ng mga nasabing ilegal na gawain.
11. Ang pagtaas ng bilang ng mga insidente ng mga domestic violence, dating violence, sexual assault, stalking at iba pang karahasan sa kababaihan sa trabaho ay nakababahala. Tinatayang 11 porsiyento ng lahat ng insidente ng panggagahasa ay nagaganap sa trabaho. Umaabot sa 83 porsiyento ng mga biktima ay babae. Mahigit sa kalahati ng mga babaeng naging biktima ay kilala ang gumahasa sa kanila.
12. Homisayd ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng kababaihan sa trabaho. Tinatayang 15 porsiyento ng homisayd sa kababaihan ay ang asawa, nobyo o dating kapareha ng babaeng biktima ang salarin.
13. Batay sa pag-aaral, umaabot sa 74 porsiyento ng mga babaeng nagtatrabaho ay dumaranas ng karahasan o pang-aabuso sa pinapasukan mula sa kanilang kapareha.
14. Mula isa sa apat na bahagi hanggang kalahati ng bilang ng mga biktima ng domestic violence ay natanggal sa trabaho bilang epekto ng dinanas na domestic violence.
15. Ang mga babaeng nakaranas ng domestic violence o dating violence ay mas malamang na manatiling walang trabaho, dumanas ng mga karamdamang makasasagabal upang sila’y muling makapagtrabaho, at umasa na lang sa welfare.
16. Kinokontrol ng mapang-abuso ang isang babae sa pamamagitan ng panghihimasok sa kakayahan nitong makapagtrabaho, ginugulo siya sa trabaho, at nililimitahan ang paghawak ng pera at kakayahang makapaglakbay.
17. Mahigit sa kalahati ng mga babaeng umaasa sa welfare ay biktima ng domestic violence at nasa hustong edad.
18. Dahil sa sexual assault, naaapektuhan ang kakayahan ng isang babae na manatili sa kanyang trabaho. Halos kalahati ng lahat ng biktima ng sexual assault ay umalis sa trabaho o sapilitang tinanggal.
19. Isa sa bawat apat na biktima ng stalking ay naaapektuhan ang perpormans sa trabaho habang 7 porsiyento ang sanhi ito para tuluyang umalis sa trabaho.
20. Sa talaan ng mararahas na krimen (violent crimes) ang panggagahasa ang may pinakamatinding pinsalang naidudulot kada biktima batay sa gastusing medikal, nawalang kita (income), gastos sa social service, dalamhati, paghihirap at naglahong kalidad ng buhay.
21. Sa taya ng Bureau of National Affairs ay umaabot sa tatlo hanggang limang bilyong dolyar ang nawawala sa mga kumpanya kada taon sa oras at produktibidad bunga ng domestic violence.
Part II
Hindi kailangang isulat bilang formal na talumpating bibigkasin sa isang pang-akademyang kumperensiya sa loob ng magara at malamig na bulwagan ang aking pagkabagabag sa pagromantisa sa reyalidad ng karahasan at ang angkop na tindig at papel dito ng kababaihan bilang biktima man o puwersang nagbubunsod sa pagsulong ng kalagayan ng sangkatauhan. Salas ng bahay at kagubatan ang kaibahan ng pananaw ng isang babaeng nabubuhay sa rutina ng pagbasa ng mga aklat at pagtalakay ng bulto-bultong nakakalap na kaalaman sa mga limbag na pahina sa mga may kagayang rutina sa loob ng mga klasrum sa isang banda at, sa kabilang banda, babaeng ang natamong mga pilat sa aktuwal na mga pakikipagsapalaran ang kodigo ng mga taglay na kaalaman. Sa tingin ko, hindi isang walang karanasan sa mga bayolenteng kumplikasyon ng pakikipagrelasyon sa kapwa – iba man o kapareho ang kasarian – sa personal at sa pangkalahatan bilang kasapi ng lipunan ang pinakainteresanteng pakinggan ang mga pananaw sa tunay na anyo ng isang babae sa kasalukuyang panahon na ang buhay ay di nagbabago sa pagkabatbat-panganib, paniniil, at hamon sa pagkakapantay-pantay. Katanungan ang pagkaunawa niya sa antas at dimensiyon ng muhi ng sang babaeng halimbawa’y napagtangkaan o napagtagumpayang magahasa, magtamo ng mga latay, at sari-sari pang pisikal at emosyonal na mga pang-aabuso bunsod ng pagiging nasa kalagayang hindi ninais ngunit hindi rin matakasan.
Una’y pinagdududahan ko ang anumang adbokasya ng pag-iwas sa paggamit ng karahasan o agresibong pisikal na pagkilos lalo pa marahil sa konteksto na ang pinagmumulan nito’y isang ispiker sa toreng-garing. Pinaniwala na tayo sa ganito ng bawat dayuhang naniil sa atin sa iba’t ibang anyo at paraan mula sa relihiyon hanggang sa benevolent assimilation hanggang co-prosperity sphere hanggang kilusang bagong lipunan. Huwag tayong lumaban. Huwag tayong magdeklara ng gera. Evil ang gera. Kung mas paniniwalaan ito ng kababaihan, sila rin ang unang masisiil sa panahon man ng gera o kapayapaan. Kaugnay na itinuturo ang doktrina na ang pundasyon ng kapayapaan ay kapayapaan. Di lang sa armadong tunggalian bagkus sa lahat ng aspeto ng pamumuhay sa lipunan ay nagpapababa ito sa sarili.
Ang kababaihan ay inihanda ng ebolusyon para sa marahas na tunggalian. Ang bawat babae ay may gene ng isang Amasona, o Oiorpata. Siya ay babaeng Samurai na pinamunuan ni Impresa Jingu. Mabalasik na mandirigmang lider ng tribu na sina Boudicca, Artemisia, Zabibi, Samsi, Tomyris, Zenobia. Sa bawat magkapatid na babae ay may mag-ate na Trung. Sila ay sina Deborah at Jael sa Matandang Tipan. Si Joan of Arc na isang santa na may baluting asero at may hawak na espada. Ang bawat babae ay isang Lydia Litvyak na bayani ng Laban sa Stalingrad at kabilang sa libo-libong kawal na babae ng Unyong Sobyet na kumubkob sa Nazi Alemanya na rehimeng ang mahigpit na pagkatig sa mga antas ng lahi at kasarian ay opisyal na palisi na ang kababaihan ay para anakan lamang at mangalaga sa tahanan.
Hindi ako naniniwala kay Imelda Marcos na may islogan na “the true, the good, and the beautiful” sa sining habang niyuyurakan ang karapatang pantao ng marami. O kay Cory Aquino na isang santa na ni di makabasag-pinggan ngunit nangunyapit nang buong higpit sa piyudalismong kaisipan na paggamit ng poder para mapanatili ng angkan niya ang mga pribilehiyo at ari-arian gaya ng Hacienda Luisita. Maraming ulit nang na-mess up ang ating kasaysayan ng mga ganitong ipokrisya sa hanay man ng kababaihan o sa kabila. Ang higit na pinaniniwalaan ko ay si Gabriela Silang o si Prinsesa Urduha na handang humawak ng armas – hindi upang patunayang hindi sila ang mas mahinang kasarian – bagkus ay para patunayang hindi usapin ang kasarian sa pakikipaglaban para sa kalayaan sa marahas na paraan kung kinakailangan.