ShareThis

  ESTADO

Mga Wagi at Agiw sa 2013



Pinakamagandang taon, pinakamasamang taon; taon na batbat-dunong, taon na batbat-gunggong. Ang tenor ng sinundang pangungusap ay hiniram sa Kuwento ng Dalawang Lungsod ni Charles Dickens na ang tagpuan ay ang rebolusyon ng mga Pranses. Ibig kong ilapat sa taon 2013. Relatibong matahimik ang 2013. Walang naganap na mga rebolusyon sa kategorya ng halimbawa’y Tagsibol Arabo noong 2011 o paglusob ng isang superpower sa maliit na bayan kagaya ng ginawa ng US sa Iraq noong 2003 o medyor na atake ng mga terorista na paris noong Setyembre 2011 sa Lungsod Nuyork. Pero, gaya nang sabi ni Caloy (Dickens), may mga pangyayari rin sa 2013 na angkop idibuho sa superlatibong antas.
Papa ang Mama (Man) ng Taon
Paris sa alinmang taon, may mga winner at may mga loser sa 2013. Nangunguna na marahil sa mga wagi si Santo Papa Francis una’y sa literal na katuturan na siya ang napiling 2013 Man of the Year ng Time Magazine. Bilang supremong frayle ng mundo, pinalundag ni Papa Francis ang popularidad ng Simbahang Katoliko sa mga tindig at pasya na panig sa liberalismo bagaman hindi pa sapat ito para mabura ang libong taong sama ng loob na itinanim ng Vaticano sa sangkatauhan.
Wagi rin si Barack Obama na ang 2013 ang unang buong taon sa ikalawang termino. Naisulong ang Obamacare bagaman halo ang pagtanggap dito. Napanatili ni Obama ang popularidad kumpara sa kagayang yugto ng pag-okupa sa Puting Bahay ng mga sinundan niyang pangulo na sina Clinton at Bush na hilahod at batbat-pintas na buhat sa mga Amerikano at buong mundo.
Literal din na wagi si Lebron James, ang Miami Heat, at si Eric Spoelstra sa pagkopo sa pangalawang sunod na taon ng kampeyonato sa NBA. Wagi rin si Carlsen Magnus na naging FIDE world chess champion sa 2013. Wagi ang Baltimore Ravens sa XLVII Super Bowl.
Mga Wagi na Perpormer: Bruno at Miley
Wagi si Bruno Mars na napiling perpormer sa half time ng XLVIII Super Bowl. Sapul 2012 hanggang 2013 ay sunod-sunod ang mga patok na kanta ni Bruno Mars na siya mismo ang lumikha. Sa 2013 ay karaniwang maririnig saanman ang mga kanta niyang Lock Out of Heaven, When I Was Your Man, Treasure, atbpa. Kahit kontrobersiyal, wagi ring masasabi si Miley Cyrus dahil sa natamong kasikatan. Ganoon na rin ang One Direction at si Eminem.
Wagi rin si Bill O’Reilly na katuwang si Martin Duggard sa pagsulat ng bestseller na Killing Jesus na pinakahuli sa serye ng mga patok na libro ng dalawa na kinabibilangan ng Killing Kennedy at Killing Lincoln. Patok din ang Inferno ni Dan Brown na kumita nang limpak-limpak pero hindi siya wagi sa maraming Pinoy lalo sa mga taga-Maynila na di payag sa sinabi niya sa nasabing aklat na Maynila ang “gates of hell”. Ilan pa sa mga naging bestseller sa 2013 ang And The Mountains Echoed ni Hosseini, Happy Happy Happy nina Robertson at Schlabach, Lean In nina Sandberg at Scorelli, Ocean at the End of the Lane ni Gaiman, Let’s Explore Diabetes with Owls ni Sedaris, The Hit ni Baldacci, The Cuckoos Calling ni Gilbraith, The Liberty Amendments ni Levin, David and Goliath ni Gladwell, Houses of New York ni Stanton, Doctor Sleep ni King, at The Longest Ride ni Sparks.
Masigla ang 2013 sa Haliwud na kabilang sa mga kinilala at tumabo sa takilya ang Despicable Me, Fast and Furious 6, Iron Man 3, The Hobbit: An Unexpected Journey, Star Trek Into Darkness, Man of Steel, The Great Gatsby, Monsters University, The Croods, Oz: The Great and Powerful, We’re The Millers, World War Z, Pacific Rim, The Heat, The Conjuring, Lee Daniel’s Butler, The Wolverine, at Zero Dark Thirty.
Wagi ang Subway na nasapawan ang McDonald’s sa bilang ng mga sangay dahil sa nagbabagong preperensiya ng mga kostumer tungo sa mas masustansiya at nagpapalusog na pagkain. Wagi sa Nobel Peace Prize ang Organization for the Prohibition of Chemical Weapons at si Alice Munro sa premyo sa panitikan.
Wagi sa Ilinoy
Sa Ilinoy, wagi ang gobyernong pang-estado na maipasa ang Compassionate Use of Medical Cannabis Act, Marriage Equality Law, at Pension Reform. Nakapagtala ng all-time record sa bilang ng mga turista na lumampas sa 100 milyon. Siyempre pa’y wagi ang Chicago Blackhawks na sa 2013 ay muling nakamit ang Stanley Cup.
Wagi ang ekonomiya ng Pilipinas na nakapagtala ng pinakamataas na growth rate sa buong Asya ayon sa ulat ng mga independiyenteng pandaigdigang institusyon. Pero gaya nang dati, isyu ang aktuwal na epekto ng growth rate sa pamumuhay ng mga naghihikahos na Pinoy.
Wagi si Manny Pacquiao na kumbinsidong nanalo sa puntos laban kay Brandon Rios sa laban nila sa Macau. Wagi pa rin siyang maituturing kahit buhat sa laban sa Macau ay binugbog ng gobyerno ng Pilipinas sa isyu ng buwis dahil sa kanya ang simpatya ng maraming Pinoy. Wagi rin ang pambansang koponan sa basketbol na Gilas Pilipinas na naging kasali sa 2014 FIBA world basketball cup sa Espanya.
Wagi si Miss World Megan Young at si Miss International Bea Rose Santiago. Wagi si Ben-hur Luy na bilang whistle blower sa pork barrel scam ay magiging instrumento upang maitigil na ang institusyunal na pandarambong sa kaban ng bayan. Wagi si Camarines Sur 3rd district representative Leni Robredo, biyuda ng yumaong DILG secretary Jesse Robredo. Si Ping Lacson na rin dahil naitalaga sa isang bigtaym na puwesto bilang rehabilitation czar – iba pag kaalyado ng kasalukuyang administrasyon – bigla ay kontender na naman ang tingin sa kanya sa pagkapangulo sa 2016. Depende ito sa magiging perpormans niya sa pagbangon ng Tacloban. Wagi ang soap opera na Be Careful With My Heart dahil sa natamong popularidad pero kapag nagpatuloy ang anti-climax nito’y baka mauwi ito sa pagiging loser.
Wagi ang lahat ng naka-survive sa sunod-sunod na kalamidad partikular sa lindol sa Bohol at superbagyong Yolanda sa Leyte at iba pa. Wagi ang mga di nawalan ng pag-asa na makakabangon sa mga napinsalang lugar. Ganoon na rin ang mga napinsala at nabiktima ng gawang-taong kalagiman sa Zamboanga at saanman may karahasan.
Kung May Mga Wagi, May Mga Loser Din 
Dumako naman tayo sa talaan ng mga talo o loser sa taon 2013. Sa tanghalan ng pulitika sa Pilipinas, nangunguna siyempre rito ang mga senador na dawit sa anomalya sa porkbarel. Gaya ng tinaguriang “Tres Porkiteros” na sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada. Loser din si Janet Lim Napoles na sa kabila ng bilyong pisong pera sa iba’t ibang banko ay ni di makapag-shopping bagaman puwede siyang ipag-shopping ng mga anak niya, kaanak, at kaibigan na naambunan niya ng bath tub-bath tub na kayamanan.
Loser si Carlo J. Caparas, natalo sa kaso sa national artist award na isinampa sa korte suprema ng mga tutol na maigawad ito sa kanya. Loser din si Virgilio Almario na nanguna sa mga nagkaso laban kay Caparas pero sa ibang rason – ito’y kaugnay sa pinasimulan niyang inisyatiba na palitan ang pangalan ng bayan ng Filipinas imbis na Pilipinas. Siya’y lumabas na katawa-tawa sa publiko sa kabila ng pagiging national artist at hepe ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Talo ang taumbayan sa nais ng MERALCO na itaas ang singil sa kuryente. Talo din ang taumbayan sa pagtataas ng presyo ng bigas, harina, gas, at ibang batayang komoditi na walang kaakibat na sapat na taas ng sahod. Talo pa uli ang taumbayan sa mga ipinapasang batas ng kongreso na kontra-dukha. Lalong talo ang mga mamamayan sa inepisensiya at kapos na kilos ng gobyerno kaugnay sa mga tungkulin nito at hangga’t hindi lubos na nasasawata ang mga katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan. Isang halimbawa na rito ang mga Binay na humabol pa sa huling bahagi ng taon sa listahan ng mga loser. Tinawag na “epal” si Bise Binay dahil sa pamumudmod ng supot na may pangalan niya sa mga nasalanta sa Tacloban, nagpamalas ng arogansiya ang anak na si Meyor Junjun Binay ng Makati sa insidente sa Dasma. Damay pati ang isa pang anak, si Nancy Binay, na kapapanalo lang sa pagkasenador.
Loser ang contingent ng Pilipinas sa ASEAN Games sa Myanmar. Loser si Nur Misuari sa gulo sa Zamboanga. Loser ang mga terorista sa Boston Bombing dahil agad bumalik sa normal ang buhay ng mga tao kaya walang epekto ang ginawang terorismo. Loser ang Chicago Bulls dahil sideline na naman nang isang taon ang pambatong manlalaro na si Derrick Rose.
     
***




Archives