Bittersweet. Isang salitang Ingles na angkop sa paglalarawan sa Pilipinas sa 2013. Nakapagrehistro ng pang-ekonomiyang growth rate na pinakamataas sa Asya pero nilamog naman ng bagyo, lindol, at baha. Umalingasaw ang raket sa pondo sa porkbarel ng mga mambabatas habang nanalo si Miss Philippines na Meagan Young na 2013 Miss World.
Trahedya at Paghanga
Kung nakalulunos ang idinulot ng sunod-sunod na kalamidad sa Pilipinas sa 2013, sa brighter side nito’y nakuha ng mga Pinoy ang paghanga ng halos lahat ng lahi sa mundo sa ipinakitang katatagan at kakayahang palampasin ang mga pagsubok at ang bumangon. Sa salitang Ingles ay resilience, na sa kabila ng matinding pagkabugbog na nagpabuwal dito sa lupa ay di nawawala ang hangaring patuloy na lumaban sa mga hamon ng buhay.
Binaha. Nilindol. Sinalanta ng superbagyo, ang itinuring na pinakamalakas na bagyo sa daigdig sa 2013. Kalamidad na walang bayan na hindi nito kayang ilugmok saanman ito manalasa. Isang dambuhalang halimaw si Yolanda na maraming masasakmal kahit sa pinakaasensado o mayamang bayan. Hamon na hinarap ng Pilipinas sa kabila ng mga limitasyong materyal at sistemik nito.
Lalampas sa sampung libo ang estimeyt na magiging kaswalti ni Yolanda pero matapos ang pananalasa ng superbagyo ay malayo rito (ayon sa pinakahuling bilang) ang kaswalti. May kakulangan sa panig ng pamahalaan pero dapat na kilalanin din ang nagawa ng mga kinauukulan. Hindi naman kay P-Noy ang kredito, ito’y laan sa maliliit na opisyal at tauhan sa lokal na antas at mga boluntir na kumilos para mailikas ang malaking bahagi ng mga residente sa maaapektuhang lugar, patuloy na pagkilos habang nanalasa ang superbagyo, at agarang pagkilos makaraan ang pananalasa para masaklolohan ang mga napinsala. Sa antas ng mga Filipino ang tuon ay sa mga pagkukulang ng Malakanyang pero sa mata ng mga banyaga ang tuon ay sa kagitingan ng mga karaniwang mamamayan na aktuwal na nagtaya ng buhay upang tumulong. Ang mga tagpo ng pagpapamalas ng kagitingan ng mga di kilalang tao sa harap ng panganib ang umantig sa ibang lahi at di ang laman ng mga talumpati ni P-Noy. Ang mga di kilalang tao na ito ang tunay na mukha ng isang Filipino at di ang pangulo ng bansa.
Identidad Bilang Isang Lahi
Napunta sa ispatlayt (spotlight) ng buong mundo ang Pilipinas sa taon 2013. Filipino sa kolektibong saysay. Bilang isang lahi. Ang Pilipinas hindi bilang bayan na pinagmulan ni Manny Pacquiao – kundi bayan ng mga tao na sa mahabang panahon ay nawala sa atensiyon ng ibang lahi sapagkat nahirati sa pagiging low profile sa kabila ng mga kahanga-hangang katangian bilang isang nasyon. Sinalanta ng lindol, baha, superbagyo ngunit hindi kakikitaan ng kawalang-pag-asa. Isang bayan na ang mga mamamayan ay nakakalat sa lahat ng parte ng planeta. Lahing saanmang lupalop naroroon ay nagpapamalas ng mataas na kalidad. Taas ang noo, taglay ang dangal. Lahing muling nagpapakilala sa mundo.
Sa naganap na kalamidad sa Leyte – na naging dahilan para magtungo rito at sa ibang mga isla ang mga tagapagbigay-saklolo mula sa iba’t ibang bayan – waring muling nakilala ng mundo ang mga Pinoy hindi bilang mga migrante kundi bilang isang lahi ng mga tao na may sariling lupang tinubuan. Sa ibang sabi, ito’y reintroduksiyon ng Pilipinas sa mundo. Rediscovery ng mundo sa atin. Sa nakalipas na mahigit apat na dekada’y naging ubikwitus ang mga Pinoy sa halos lahat ng parte ng mundo bilang isang luwas na manggagawa sa ilalim ng pambansang palisi ng pangkabuhayang diaspora. Bumaba ang tingin sa mga Pinoy, nilapatan ng imahe ng isang salta o sampid sa lupain ng iba. Nalimot na ng mundo na minsa’y may isang bayan na perlas ng silanganan; minsa’y may Maynila na hiyas ng Pacifico; may Bataan at Corregidor na nagsilbing simbulo ng kagitingan ng demokrasya sa Asya, at oo, sa Leyte Gulf na naging pinal na libingan ng ambisyon ng co-prosperity sphere ng Imperyong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Libong banyaga mula sa iba’t ibang bayan sa karatig at ibayong-dagat ang dumating sa Pilipinas para magdala ng ayuda at mag-ambag ng bisig sa pagsaklolo sa mga nasalanta. Marami sa mga ito ay unang pagkakataong makarating sa Pilipinas. Unang karanasang makadaop hindi lang ang palad ng mga Filipino kundi ang kultura at kapaligiran nito. Unang pagsaksi sa yaman at kariktan ng isang kapuluan na may juxtaposition ng mga sistemang nagtutulak patungo sa kahirapan ng mga naninirahan dito. Ngunit sa kabila ng nakapanlulumong ironiyang ito ay madarama nila ang likas na kagandahang-loob at maayang pagtingin ng mga Pinoy sa sariling kalagayan. At muli, paghanga sa paraisong lupaing ipinagkaloob ng tadhana sa mga Pinoy.
Pag-angat ng Turismo
Tiyak, isa sa bawat sampung banyagang dumating ay susulat ng aklat o kahit maikling lathalain na naglalarawan ng mga tanawing nasaksihan at nagsasalaysay ng mga anekdotang nabuo sa panahon ng pananatili sa Tacloban at ibang parte ng Pilipinas kaugnay ng misyong magbigay-saklolo, magbigay-ayuda, mag-ulat, o magsagawa ng pag-aaral sa mga impact ng naganap na kalamidad. Halos lahat sila’y magsasalaysay sa mga sariling kababayan. Maglalakbay ang mga salaysayin nila tungkol sa Pilipinas.
Sa Bohol ay may panlalawigang tradisyon na ang lahat ng Boholanon na napaibayong-dagat ay kailangang itaon ang pagbabalik o pagbabakasyon sa pinagmulang lalawigan sa iisang petsa lang, sa pista ng Tagbilaran. Kaya taun-taon ay may engrandeng okasyon sa Bohol. Di ito mapipigil ng sinapit na matinding kalamidad ng lalawigan. Dadagsa ang mga balikbayan o bakasyunista para sa isang panlalawigang reyunyon. Na umaakit din sa mga banyagang turista para sumali sa kasayahan at mamasyal sa Bohol. Nakatulong nang malaki ang tradisyong ito at ang mga kaakibat na programang nasa ilalim ng mga lokal na pamahalaan sa pag-angat ng turismo ng lalawigan. Buhat sa isang probinsiyang dating kilala sa paghihikahos ay naging isa sa mga pangunahing destinasyong pangturista sa bansa ang Bohol.
Kung kaya ng Bohol, bakit hindi makakaya ng buong bayan na magtakda ng isang taon na magiging tuon ng malawakang paanyaya sa mga Pinoy sa ibayong-dagat at mga banyaga na magbalik o dumalaw sa Pilipinas? Hindi lang sa mga OFW o expatriate kundi pati sa mga banyagang minsan nang nakarating sa Pilipinas at napukaw ang interes sa ating bayan. Madalas kong sabihin na halos hindi pa natin nakakaskas man lang ang gusi ng potensiyal sa industriya ng turismo. Naiwan tayo ng ibang mga bayan sa Timog Silangang Asya. Pulutong lang ang bilang ng mga turista sa Pilipinas kada taon kumpara sa bata-batalyon na nagtutungo sa Malaysiya, Singhapor, Tayland, Hong Kong, at Taywan. Ang Vietnam na sinalanta ng gera hanggang dekada sitenta ay mabilis na ring umaabante dahil sa mga agresibong hakbangin kaugnay sa pagpapaunlad sa industriya ng turismo. Maski na sa industriya lang ng turismo, simulan na ng Pilipinas ang pagbangon sa pagkakaratay; iwaksi ang imaheng maysakit, at ipakitang handa na itong rumampa.
Magandang Oportunidad
Ang pagtuon ng paningin ng buong mundo sa Pilipinas sa taon 2013 ay isang oportunidad na di dapat palampasin. Totoo, hindi maganda ang ibang pinag-ugatan kaya napansin tayo. Gaya ng pananalanta ni Yolanda at ibang mga likas na kalamidad. Isama na rin ang naging iskandalo sa porkbarel. Pero wala raw masamang publisidad kung ito’y magagamit sa tamang paraan. Ipakita sa buong mundo na ang masasamang pangyayari ay dumaan na. Sa taon 2014, anyayahan ang buong mundo na dalawin at tingnan ang Pilipinas sa pagbangon matapos ang mga trahedya sa 2013. Muling itanghal ang ating mga pambihirang likas at gawang-taong tanawin. Muling ipakilala ang ating kultura at sining.
Isang magandang pagkakataon ang dumating para ilunsad at ikampanya ang malawakang programang pangturismo. Magandang pagkakataon para anyayahan ang lahat ng lahi na dalawin ang Pilipinas, kilalanin ang mga Filipino, at tingnan ang pagbangon mula sa superbagyong Yolanda, lindol, iba pang mga likas na kalamidad at pati na sa pananalanta ng katiwalian sa gobyerno.
Magsilbi sanang hamon sa pamahalaang pambansa at mga lokal, sa pribadong mga kumpanya, at sa lahat ng mga Pinoy bilang indibidwal ang pag-ambag ng talino at serbisyo sa programang ito. Ihanda ang lahat ng lalawigan, lungsod, at munisipalidad para sa malawakang pagdalaw ng mga turista. Ito ang magiging paglulunsad ng Pilipinas bilang isang estado na nakakasa tungo sa ganap na pag-asenso.
Ang 2014 ay ideklarang taon para sa pagbisita ng lahat ng lahi sa Pilipinas.