ShareThis

  WITNESS

My New Year’s Wish


SANA

Sa pagningning ng malayong bituin
ay makamtan ng marami ang pangarap,
matamis na panaginip na nasa ulap,
lumulutang bilang munting alituntunin
ng ating pagkawalang pagod na pagasa,
walang hintong pagnanasa sa kinabukasan
ng pagbabago, sa umagang pinapaslan
ng pagsusumamo ng kalayaan, kabutihan,
kayamanan ng buong katauhan,

Sana…

ay magtagumpay ang katarungan
at magwagi ang mga dukha na inaapi
at marining nawa ang kulog ng puso
mula sa hinagpis ng isang ina, ang luha
na pumapatak sa pisngi ng kasintahang
iniwan sa may baybay ng pagkalimot.

Sana…

ay hindi magwakas ang ating salita
at ang ating pagdama sa pahinang
munting aklat o sa mga matang
nagbabasa subalit ayaw makita
na ang kapayapaan ay hindi tahimik at
ang kagandahan ay hindi maganda
kapag hindi nagmumula sa gitna
ng ating koloobang kadalasang nag-iisa.

Sana…

ay magdulot ng pagkilos ang tula
ng makatang halos magpakaawa
sa Maykapal at sa Kaniyang nilikha
upang ang kagandahan ng salita
ay magdulot ng kawang-gawa
galak at ligaya sa maraming madla.

At sana’y pagkatapos basahin
ang bulong ng pagiisip ay maitulak
nawa ang ating diwa, paa at kamay
patungo sa pagwawasto ng kamalian
at pagunlad ng tunay na katauhan.

Manigong Bagong Taon!




Archives