ShareThis

  ESTADO

Resilyens ng mga Filipino



Malagim ang naganap sa Leyte. Ikinumpara ang pananalasa rito ng superbagyong Yolanda sa pagbagsak ng bomba-atomika sa Nagasaki at Hiroshima. May paglalarawan na nabura sa mapa ang Tacloban. Sa isinagawang paghahambing, halos doble pa ang lakas ni Yolanda sa Hurricane Katrina na pinakamatinding likas na kalamidad sa mundo noong 2005. Ang pananalasa ni Yolanda ang pinakamatinding likas na kalamidad sa mundo sa 2013.

Natural Calamity Capital
May nagsasabi na ang Pilipinas ang “natural calamity capital of the world”. Puwede. Taun-taon ay pinapasyalan ito ng malalakas na bagyo, minsa’y superbagyo; minsan-minsan ay niyayanig ng lindol, minsan ay malakas na lindol; taun-taon ay binabaha, binabaha maya’t maya. Sagana sa likas na yaman ang Pilipinas. Mataba ang mga lupa nito, mayaman ang mga karagatan, maganda sa pangkabuuan ang klima. Ngunit may hamon ang paninirahan dito na susubok sa katatagan ng alinmang lahi. Anuman ang mga hamon, ito ang bayan ng ating mga ninunong unang sumalta at umangkin sa lupaing ito. Ang pagkakaroon ng sariling teritoryo ay isang benepisyo na di lahat ng lahi ay nagtatamasa. Romantiko ang mga Pinoy, nariyan ang tendensiyang maging eksaherado ang tingin sa lupang tinubuan. Perlas ng silanganan. Paraiso sa Asya. May pagkaeksaherado, pero may bahid ng totoo. Hindi ito bulok na talaba ng silanganan. O Payatas ng Asya. Ang eksaherado ay ang tawagin ito na “sick man of Asia” na sinumang bugok ang nagpasimula ay walang muwang sa mga aralin sa Asya. Walang alam sa heyograpiya at kasaysayan ng Pilipinas. Kapag labis ang tuon sa kariktan ng Pilipinas ay nakakaligtaan ang mga pangit dito una na ang regular na dalaw ng mga likas na kalamidad. Kailangang maging proud ang mga Pinoy sa sariling bayan subalit nakatuon sa reyalidad ng mga hamon ng paninirahan dito. Lagi tayong malay at mulat na handang harapin ang mga hamon na ito. Pero marahil ay dapat pa (na) nating dalhin sa susunod na antas ang ating kahandaan at kapabilidad sa mga suliraning kaakibat ng paninirahan sa ating kapuluan. Higit pa riyan, magawa nating bentaha ang mga hamon na ito.
Bilib tayo at ang mga banyaga sa mga taga-Ifugao na ang mga ninuno ay nagawang bentaha ang hamon ng topograpiya. Ang mga bundok ay nagawang baytang-baytang na kapatagan na natatamnan ng palay. Kahanga-hanga rin ang mga taga-Batanes na ipinasadya ang mga kanlungan at pamayanan nila na makikipagmatigasan sa mga bagyo. Sa ibayong-dagat ay bilib ang marami sa Dakilang Piramide ng Ehipto at Dakilang Dingding ng Tsina. Pero higit pa sa mga ninuno ng mga taga-Ehipto at taga-Tsina ang ating mga ninuno. Alam ninyo kung bakit? Kasi ang Banaue Rice Terraces ay pinaghirapan para sa makabuluhang gamit – mapagtamnan ng palay. Ganundin ang mga kongkretong istrukturang tinggalan ng mga aning-butil at ibang pagkain ng mga taga-Batanes – may makabuluhang silbi hindi lang sa isa o iilan kundi sa lahat. Ano ang silbi ng piramide? Ito’y kabaliwang luho para sa hari. Ang Great Wall of China – para sa gera. Di raw gaya ng ibang lupain ang Pilipinas dahil wala itong matatayog at malalawak na antigong edipisyo gaya ng libo-libong metro-kuwadrado ng mga palasyo sa Yuropa; kompleks ng mga templo sa Kambodya, sa Indonesiya, o sa Mehiko; kolosiyum sa Roma, atbpa. Repleksiyon ito ng kultura ng mga Pinoy. Tayo’y isang praktikal na lahi. Hindi nagpapagod para sa luho ng iilan. Hindi nagsasayang ng lakas. Ine-enjoy ang buhay. Kaya nga wala raw konsepto ng panahon ang ating mga ninuno. Kumikilos lang tayo kung kailan kailangan. Walang labis, walang kulang. Ang pinaghahambingan natin ng katangian natin ay ang kawayan at di asero o adobe. Umaayon sa hampas ng hangin. Inihahalintulad din natin ang sarili sa mga ibong maya na payak lang ang pugad ngunit sa tuwing mawawasak ito ng unos ay kagyat at tahimik na bumubuo ng panibago.

Gaya ng Kawayan
Sa kasalukuyang modernong panahon, taglay pa rin natin ang mga katangian ng ating mga ninuno sa kabila ng pagbabago sa mga hamon sa ating buhay kaugnay ng nagbagong mga pangangailangan at kundisyon ng kapaligiran. Naglipana ang mga indikasyon. Isa na rito ang paglalakbay sa ibayong-dagat sa paghahanap ng kabuhayan – kabuhayan na ibinabalik sa lupang pinanggalingan para pakinabangan ng mga mahal sa buhay. Ang Filipino ay di lahing mamamatay sa isang tabi nang hindi lumalaban. Kaya ng Pinoy na muli at muling bumangon sa pagkalugmok. Ito ang buod ng katotohanan ng ating katatagan o resilyens (resilience) sa pamiminsala ng mga likas na kalamidad. Hindi malalambungan ang katotohanan na ito ng mga labusaw na ibinubunsod ng mga pampulitikang pagtutunggalian. Huwag nating kalimutan ang ubod ng ating resilyens sa kabila ng mga mababaw at oportunistang pagtungayaw ng ilan.
Sinalanta ng lindol, baha, superbagyo na itinuring na pinakamalakas sa taon 2013. Nabangkarote ang pondong laan para pang-ayuda sa mga biktima ng kalamidad – habang kalamidad din, na gawang-tao, ang pagkalalos ng pondo ng bayan bunga ng pandarambong sa at inepisensiya ng pamahalaan. Milyon ang walang nalabing pag-aari kundi ang suot sa katawan, na gulanit pa. Katanungan sa napakarami ang susunod na panggagalingan ng ilalaman sa tiyan. Sa kabila ng lahat nang ito, ano ang anyo ng isang Filipino? Isang tao na bumabangon mula sa mga guho nang may ngiti sa mga labi. Puno ng pag-asa sa buhay. Muli, itatayo ang nasirang dampa. Aayusin ang gulayan sa likod-bahay. Lilinisin ang mga sukal sa bukirin. Ilaladlad ang lambat bilang paghahanda sa muling pagdalaw sa gitna ng laot. Kukumpunihin ang mga silid-aralan, pagamutan, bulwagang-bayan, kapilya. Lilikumin ang mga maaari pang pakinabangan mula sa mga adorno hanggang sa mga teksbuk. Ituturo minsan pa ng mga nakatatanda sa kabataan ang mga awiting pamana ng mga ninuno na nagpasalin-salin sa pamamagitan ng bibig bago pa man itinuro ng mga mananakop ang Kanluraning alpabeto at kabihasnan.
Huwag nating ipagkait sa ating mga kababayang nasalanta ang karapatang sila’y mailarawan na matibay, may kakayahang bumangon, tumayo sa sariling mga paa, sapagkat sila’y resilient, pliant, nahuhutok gaya ng kawayan na pinalalampas ang hagupit ng anumang pagsubok ng kalikasan saka magbabalik sa taas-noong pagtindig na batbat ng karangalan. Ito’y hindi na bago. Katangian na ito ng mga Filipino nasaan mang bahagi ng kapuluan sa nakalipas na mahigit anim na dekada matapos itaas ang watawat ng Pilipinas sa Luneta, mahigit isang siglo matapos unang iwagayway ang watawat na ito sa Kawit, apat na siglo matapos malupig ni Lapu Lapu si Magalyanes sa Mactan, at sa loob ng libo-libong taon nang ang kapuluang ito ay idineklara ng ating mga ninuno na ating magiging bayan.

Salin ng “Man of Earth”
Paksa ng mga akdang-panitikan ang tibay ng mga Pinoy sa harap ng mga pagsubok. Noon at ngayon. May isang tula na isinulat sa Ingles si Amador T. Daguio na ibig sumali sa usapan tungkol sa resilyens ng mga Pinoy. Binanggit niya ang mga katutubo nating alamat at mitolohiya. Bago pa ang tulang ito. Isinulat niya noon lang 1932. Narito ang salin ko sa tulang “Man of Earth” na isinulat niya:

Nahuhutok ang kawayan
Ako’y may buhay sa lupa
Anila, mula kawaya’y
Isinilang tayong kusa.

Ako ba’y isang katawan
O isang luntiang dahon?
Panimdim at kasalanan
Kailangan bang itaghoy?

Sa daluyong na kumatok
Yuyuko ba’t susubukin
Ang hangganang maaabot
Kung sarili’y babaliin?

Sa kawayan man nanggaling
Ako’y magpapakatao
O Poon, ako’y hutukin
Subukin Mo ang kaya ko.




Archives