ShareThis

  ESTADO

Lindol at Lumang Simbahan (Huling Bahagi)



Law student ako sa Lyceum of the Philippines nang mangyari ang lindol sa Luzon noong 1990. Kasama ang mga klasmeyt, kami’y nasa law library ng unibersidad sa ikalawang palapag ng gusali nang maramdaman na malakas na umaalog ang kinaroroonan namin. Iyon ang pinakamalakas na paglindol na naranasan ko na ganap nang may malay ako. Sapul nang ipanganak ako’y marami-rami na rin ang naganap na lindol sa loob at labas ng Kamaynilaan. Isa na rito’y ang nagpabagsak sa Ruby Tower. Pero ang mga ito’y malabo sa gunita ko. Maliban dito, ang karamihan sa mga lindol na naganap sa Maynila ay hindi kalakasan. Pero sa lindol noong 1990, nakasaksi ako ng pagsayaw ng makapal na kongkretong pader ng gusali. Pumailalim ako sa kuwadro ng pintuan, may mga nagtago sa ilalim ng mesa. Nang tumigil ang pag-alog, katahimikan, at matapos ang ilang sandali ay nagsimula ang paghugos ng mga tao papalabas ng gusali. Nakita ko ang isang may edad nang guro na sapo ang dibdib habang papalabas siya at mga estudyante niya mula sa isa sa mga klasrum. Nasa anyo ng guro ang matinding takot. Umaagapay sa kanya ang mga coed. Huminto ako, pero waring wala rin akong maitutulong sa kanya, at maliban sa takot ay waring okey naman siya. Hinayaan ko silang mauna at sumama sa hugos ng mga taong nasa hagdanan deretso sa labasan sa gawing likuran ng unibersidad. Nang makalabas na rin ako’y parang may people power sa kalsada sa dami ng mga tao mula sa iba’t ibang mga paaralan at tanggapan. Napatingin ako sa tore ng Lyceum at pagkatapos ay sa lokasyon ng kinatatayuan ko. Tinantiya ang distansiya na maaabot nito sakaling babagsak ito. Ipinatigil ang operasyon ng LRT (wala pang mga MRT noon) at di ito pinatakbo sa sumunod na ilang araw. Puno ng mga tao na animo’y nagsisipagmartsa ang mga lansangan. Pinauwi na ang lahat mapa-estudyante at empleyado. Walang gustong manatili sa loob ng alinmang istruktura. Malay ang lahat na may nagaganap na aftershock matapos ang isang malakas na lindol. Maraming gusali ang kinakitaan ng (mga) bitak, ang iba’y malalaki at kakasya di lang ang kamao kundi ang buong katawan, na sa paglipas ng panahon ay naglaho at wala ni anumang bakas. Naglipana pa rin ang mga ‘niretoke’ na istrukturang ito sa buong Maynila hanggang ngayon mahigit dalawang dekada matapos ang lindol na iyon. Na isang reyalidad din sa iba pang lugar na naapektuhan ng lindol. Magkakabitak, hihina ang pundasyon ng isang gusali, papalitadahan ito o aayusin nang patse-patse, makakalimutan sa paglipas ng panahon o mangamamatay na ang mga nakaaalam sa kasaysayan ng nasabing gusali at mabubulgar na lang muli ang mga lihim na kahinaan nito pag muling lumindol nang malakas na pag minalas-malas ay tuluyan nang magpapaguho sa gusali at ikasasawi ng maraming tao na naririto nang maganap ang lindol.

Plate Tectonics
 
Maluwag pa rin ang implementasyon ng batas at pagmonitor sa katatagan o ‘ika nga’y “earthquake-worthy” ng ating mga gusali sa kabila ng reyalidad ng paglindol bunga ng lokasyon ng ating kapuluan na sakop ng tinatawag na Pacific Ring of Fire. Ito ang malaking erya mula sa hilagang polo hanggang ibaba ng ekwador, mula sa Rusya, hanggang sa Hapon, pababa sa Pilipinas, Indonesiya, paikot sa mga pulo sa Timog Pacifico, sa Hawaii, hanggang sa Chile, Peru, sa estado ng California sa US paakyat sa Alaska. Kalahating bahagi ng mundo o isang pisngi ng planeta na regular o mas madalas na mangyari ang mga paglindol kumpara sa kabilang bahagi. Ang Ring of Fire na tinatawag ding Circum-Pacific Belt ang itinuturing na pinakamalaking sona ng mga lindol (zone of earthquakes) at pinangyayarihan nang may 90 porsiyento ng lahat ng lindol sa buong planeta. Tinatayang araw-araw ay daan-daan na lindol ang nagaganap sa erya na ito ngunit karaniwang bahagya lang ang pagyanig para maramdaman. Itinuturing na pinakamatinag na bahagi o “most geologically active” na lugar sa mundo. Resulta ito ng banggaan sa pagitan ng Pacific tectonic plate at ibang tectonic plate. Ang tectonic plate o lithosperic plate ay ang bahagi ng mundo na sakop ang panlabas at panloob na balat (crust) at itaas na parte ng mantel (mantle) o ikalawang bahagdan (layer) ng daigdig. Ayon sa teorya ng plate tectonics, ang mga tectonic plate ay nagbabanggaan sa isa’t isa, nais ng bawat isa na umibabaw sa iba, na nagbubunsod ng pagbabago sa anyo ng mga lupain sa balat ng planeta matapos ang mga paglindol.

Sa mga bayan na nasa loob ng Ring of Fire gaya ng Pilipinas ay malaking hamon ang pagbibigay-katatagan sa mga gusali lalo sa mga tinatawag na skyscraper dahil perenyal na nagaganap ang malalakas na pagyanig. Sa unang araw pa lang ng pananakop sa ating kapuluan ay nareyalisa na ng mga Kastila ang reyalidad na ito na kailangan nilang harapin sa pagtatayo ng mga templo para sa pananampalataya na ipinakilala nila sa mga katutubo -relihiyon na magsisilbi ring instrumento sa pananatili ng kontrol sa mga Pinoy tungo sa pagkaalipin. Sa kabila ng kakapusan sa magagamit na pinakamahuhusay na mga materyales at kagamitan at pati sa nangungunang kaalaman sa arkitektura at inhinyeriya ay nagtagumpay ang mga Kastila na makapagtindig ng malalaki at magagarang simbahan sa halos lahat ng isla sa kapuluan. Ito ang mga lunan na – kaakibat ang mga himala at misteryo na ibinahid ng mga Kastila kaugnay ng istratehiyang maging haling ang mga Indio sa relihiyong bukod-tanging sila (mga Kastila) ang may hawak ng susi – pawang ipinagmamalaki natin sa kasalukuyan sa pagtataglay ng elegansiyang tanging panahon at kasaysayan ang makapagbibigay.

Prayoridad ang Buhay
 
Gaano man natin kamahal at pinahahalagahan ang mga lumang simbahan at ibang matatandang istruktura, dapat laging alalahanin na ang kaligtasan pa rin ng mga tao ang prayoridad sa panahon ng kalamidad. Mga buhay at hindi mga bagay ang dapat unahing bigyang-pansin at saklolohan. Sa pangkalahatang paghahanda sa kalamidad ay layuning maproteksiyonan pareho ang mga buhay at ari-arian. Ito ang bentaha nang may pagpaplano at kahandaan.

Minsan pa, lumahok ang Ilinoy sa “The Great ShakeOut Drill” na isinagawa nitong Oktubre 17 o dalawang araw matapos maganap ang lindol sa Bohol. Taunang isinasagawa ang ShakeOut na isang multi-state international earthquake drill para sa earthquake awareness at pagkakaroon ng kabatiran sa mga dapat gawin kapag may lindol. Kapag naramdaman ang biglaang pagyanig, ipinapayo ang tatlong hakbang na dapa (drop), tago (cover), at hintay (hold on). Hindi makatutulong ang panic. Mahirap tumakbo kapag umaalog ang lupang tinutungtungan – maaaring matumba o mabagsakan ng mga bagay. Sa pagdapa, piliin ang lugar na may mapagkukublihan gaya ng solido o matibay na hapag. Tiyaking ligtas bago umalis sa kinaroroonan. Iwasang magsindi ng posporo o gumamit ng apoy dahil hindi mo alam kung may mga sumingaw na gas o kemikal. Kung madilim sa lugar na kinaroroonan, gumamit ng de-bateryang plaslayt. Dapat ay may nakahanda laging listahan ng mga tao na kailangang makontak nang agaran. Kung maaari ay may nakahanda nang sulok na mapupuntahan pag lumindol at plano upang ligtas na makalabas mula sa loob ng bahay o gusali.

Ang Central US na kinaroroonan ng Ilinoy ay may dalawang pangunahing fault o “hot spot” ng lindol. Ang mga ito’y ang New Madrid Seismic Zone sa gawing Tenesi at Arkansas at ang Wabash Valley Seismic Zone sa gawing Indiyana. Kadalasang mahina lang ang mga pagyanig na nagaganap para maramdaman. Pero sa taya, 25 hanggang 40 porsiyento ang tsansa na magkaroon ng lindol na 6.0 o higit pa ang lakas. Kaya hindi mababalewala ng mga taga-Ilinoy ang posibilidad ng matinding pinsala at resulta ng lindol.

Epektibong Paghahanda
 
Mula sa Maynila at iba pang malalaking siyudad hanggang sa maliliit na munisipalidad ay malakas na bahagi ng kultura ng mga Pinoy ang pagkakaugnay sa lumang simbahan ng bayang nilakihan o hometown. Maraming kuwento, tulain, awitin, drama sa telebisyon, pelikula, dibuho, pinta at iba pang likhang-sining na ang tagpuan o tema ay ang mga lumang simbahan. Ang Pilipinas ay mistulang estadong Latino Amerikano na napunta sa Asya. Kaya noong panahon ng kolonyalismo ay inakala ng mga taga-Yuropa na ang Pilipinas ay nasa Timog Amerika batay sa mga nakita nilang dibuho ng mga lumang simbahang matatagpuan dito. Gaya nang nabanggit, ang mga lumang simbahan na ito ay pam-postcard para sa mga turista sa kasalukuyang panahon. Pero kung interesado sa mga lumang simbahan ang mga tagahanga at mga iskolar ng antigong istruktura at arkitektura ay interesado rin sa ating kapuluan ang mga siyentipikong nagsasagawa ng pagsusuri at pag-aaral sa seismology. Sana, ang pag-aralan naman ng mga nasa pamahalaan, sa bawat administrasyon, ay ang tuloy-tuloy at di lumulubay na epektibong paghahanda sa lindol at kilos-saklolo anumang sandali maganap ito.




Archives