Marker sa mga yugto ng buhay ng bawat Pinoy ang mga bagyo, baha, pagputok ng bulkan, at lindol. Sa Ilinoy at buong Midwest ay blizzard tuwing winter at tornado sa panahon ng tag-init ang mga likas na kalamidad, saka may posibilidad din ng lindol kaya may paghahandang isinasagawa rin para sa lindol ang mga gobyernong pang-estado at federal. Muhon ang mga likas na kalamidad dahil ang paggunita sa mga pangyayaring kaugnay nito ay pagbabalik din sa yugto ng iyong buhay sa panahong naganap ang mga ito.
Bahagi ng Pag-inog ng Mundo
Nag-iiba ang dimensiyon ng lindol sa nagiging impact nito sa mga tao at gawang-tao. Kung ang matinding paglindol ay naganap sa isang disyerto, halimbawa, ang pagkabiyak ng lupa dahil sa lakas nito ay isa lang interesanteng tanawin kung ituring. O kung naganap sa isang kagubatan na nagdulot ng pagkabuwal ng maraming puno pero walang buhay na nasawi. Ikumpara sa epekto sa isang malaki at mataong siyudad. Hindi lang nagiging sanhi ng kamatayan o pagkasugat/pagkabalda ng maraming tao bagkus ay nawawasak din ang mga istruktura na di biro ang halaga. Ang ibang nasisira gaya ng mga antigong gusali ay walang katapat na halaga.
Wala pang tao sa ibabaw ng lupa, sa pinakaunang yugto ng pag-usad ng mundo, sa paghubog ng mga lupalop sa anyo ng mga ito ngayon ay bahagi na ng pag-inog ng mundo ang lindol. Naglilinang ng kabihasnan ang sangkatauhan at nagtatayo ng mga pisikal na manipestasyon ng sibilisasyon na may reserbasyon sa reyalidad ng lindol bilang bahagi ng pamumuhay sa balat ng planeta. Di napawi ang panganib na ito ng pagsulong ng kaalaman ng tao at di ito mapapawi hangga’t nabubuhay ang planeta. Batid natin na hiwalay ang buhay ng mismong planeta sa buhay ng mga nilalang na nag-ebolb at nanirahan sa balat nito.
May mga lahing mapalad na ang lupaing tinubuan (o sinadlakan) ay matatawag na geologically stable o relatibong mas ligtas sa lindol. Ang mga ganitong erya sa planeta ang ideyal sa pagtatayo ng mga sensitibong istruktura gaya ng plantang nukleyar at tapunan ng mga duming nukleyar gaya sa Alemanya na may industriya ng nuclear waste management. Ang Pilipinas ay pinagpala sa maraming bagay, sagana sa mga yamang-lupa at yamang-dagat ngunit sagana rin sa mga bagyo at lindol.
Preserbasyon ng mga Istruktura
Pagdating sa preserbasyon ng mga historikal na istruktura ay kabilang ang Pilipinas sa mga kapos sa bentaha. Ito ay dahil sa mga likas at gawang-taong kalamidad. Nadurog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang buong Intramuros kabilang ang mga lumang simbahan dito. Nariyan ang banta ng sunog. Pero ang pagyanig ng lupa ang pangunahing banta sa pananatili ng mga lumang simbahan at mga lumang gusali sa buong kapuluan. Kung bibilangin ang mga nawasak na istruktura sapul sa panahon ng mga Kastila ang malaking mayorya rito ay resulta ng mga paglindol. Geologically unstable ang kinaroroonan ng Pilipinas. Kahit siguro mga piramide ay mahihirapang manatiling intact nang libo-libong taon kung ang lupang kinatatayuan nito ay gaya sa Pilipinas at di sa Ehipto na hindi tumitinag. Kapag namamasyal sa Chicago, hinahangaan ko ang mga tore rito na higit isang siglo na ang edad. Sa kabuuan ng US, maliban sa bandang California at ibang lugar na regular ang paglindol ay maraming naipepreserba na mga lumang istruktura. Dumating ang mga Kastila sa Pilipinas sa kalagitnaan ng ika-16 siglo kaya ang pinakamatatandang gawang-taong istruktura gaya ng simbahan na istilong-Yuropa (Baroque, etc.) ay nasa 500 taon pababa lang. Bagaman may mga gawang-taong istruktura rin na lampas isang libong taon na gaya ng rice terraces ngunit ang mga ito’y bahagi ng bulubundukin at di paris ng mga simbahan o pader na sadyang itinayo sa lupa gamit ang mga materyal na likhang-tao rin.
Kahit 500 taon lang ang nagdaan nang maipakilala ang Kristiyanismo sa Pilipinas ay naging katangi-tanging bayan ito sa Asya sa pagkakaroon ng mga simbahang siglo-siglo ang edad. Mula sa Ilocos hanggang Iloilo ay naglipana ang mga lumang simbahan na ang mga larawan ay kadalasang makikita sa mga Filipiniana post card na binibili at ipinadadala ng mga banyagang turista sa mga kamag-anak at kaibigan sa pinagmulang ibayong-dagat at lupalop. Ang mga lumang simbahang ito ay mga kayamanang pangkultura na nagbibigay ng identidad sa Pilipinas bilang bayan at sa mga Filipino bilang lahi. Mga simbahan na literal na bunga ng di mabilang na pawis at lakas ng bisig ng ating mga ninuno na itinayo ang mga ito sa panahong wala pang modernong mga kagamitan sa konstruksiyon.
Kayamanang Pangkultura
Bukod sa sentro ng pananampalataya sa maraming salinlahi, ang mga antigong simbahan ay nagsisilbi ring identidad ng isang lungsod o munisipalidad at destinasyon sa mga kababayan at banyagang turista. May isang travel writer na nagsabing para sa mga Italyano ang mga istrukturang naitayo sa panahon ng imperyo ng Roma ay basta nariyan lang at hindi nila alintana pero para sa mga dayuhan ay kahanga-hangang tanawin ang mga ito. Ganoon din ang mga lumang simbahan sa Pilipinas, ang mga ito’y lugar para sa pagdaraos ng misa, piryud. Hanggang sa nagsimulang dumating ang mga turista na pinopotograpuhan o iginuguhit o payak na nagpapahayag ng paghanga sa lumang simbahan at ito’y di na nagiging pook lang ng pananampalataya kundi isang kayamanang pangkultura at sentro ng mga kalakalan.
Maraming prominenteng lumang simbahan sa kapuluan na muling-tayo (rebuilt) na lang at di lang isa kundi dalawa o higit pang beses nasira o gumuho dahil sa lindol, sunog, o gera bago naitayo sa kasalukuyang anyo. Samantala, mistulang trial and error ang pagdiskarte ng mga mananakop na Kastila sa disenyo, plano, at konstruksiyon ng mga itinayong gusali sapul sa unang salta nila sa ika-16 siglo. Bahagi ng kunsiderasyon ang magagamit na mga materyales. Sa isang bahagi ng Noli Me Tangere ay may frayle na nanlait sa kakayahan ng mga Indio (Filipino) na pag pinagawa raw ng gusali ay magtatayo lang ng apat na pader at pagkatapos ay papatungan ito ng bubungan na anahaw. Maaaring may ganting-tanong ang mga Pinoy – sila bang mga Kastila’y mahuhusay na arkitekto?
Kapabayaan
Maraming antigong simbahan sa lalawigang pulo (island province) ng Bohol ang naiulat na napinsala ng pinakahuling serye ng malalakas na lindol nitong Oktubre 2013 na yumanig sa halos kabuuan ng tinatawag na Gitnang Kabisayaan na sinundan ng sunod-sunod na mga aftershock. Popular na destinasyon ng mga lokal at banyagang turista ang Bohol dahil sa mga lumang simbahan nito kabilang ang Baclayon na itinuturing na unang naitayo. Napasyalan ko ang simbahan na ito sampung taon ang nakararaan nang mapabilang ako sa mga nagbigay ng seminar sa mga tauhan ng BJMP sa Bohol. Halos hubad ang simbahan, ang lahat daw ng mga adorno nito o anumang maaaring mabaklas ay tinanggal at natangay na ng mga magnanakaw ng antigo o sinadya nang tanggalin para ilagay sa mas ligtas na lugar. Katabi nito ang isang maliit na museo at tanggapan ng tagapangalaga ng mga antigo ng simbahan. Napansin ko na kahit sa mga bagay o reliko na nasa pangangalaga ng tanggapan ay waring hindi sapat ang pag-iingat. Ang malalaking bagay na di maibubulsa ay hinahayaan sa awa ng mga elemento. Siyempre pa, ang pinakamalalang pagpapabaya at kawalan ng sapat na pagpapahalaga sa ating mga pambansang mana o national heritage ay ang di pagtiyak sa katatagan ng mismong istrukturang pinaglalagakan ng mga ito.
Di na rin marapat na magsisihan pa ngayong naganap na nga ang pagkapinsala o pagkawasak ng mga lumang simbahan sa Bohol bunga ng ambag na kapabayaan ng mga kinauukulan. Dapat ay tumuon na sa hinaharap – ang pagsasaayos sa mga napinsala at pagmumuling-tayo sa mga gumuhong simbahan. Kadalasang pinananatili ang alinmang bahagi (kung meron pa) ng isang simbahang nawasak dahil kahit ang isang piraso lang ng pader o haligi ay reliko pa ring maituturing. Sa Herusalem, ang kotel o “wailing wall” ay pader na nalabing bahagi ng dakilang templo ng mga Hudyo. Winasak ng mga Romano sa panahon ng imperyo ng Roma ang templo pero may naiwan na bahagi ng pader nito na ngayo’y dinarayo ng mga Hudyo bilang sagradong lugar. Ang simbahan ng Santa Maria delle Grazie ay may mural ng The Last Supper ni Leonardo da Vinci. Nawasak sa bomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang buong simbahan maliban sa pader na may The Last Supper na naprotektahan ng mga sand bag na ibinalot dito. Mula sa nasabing pader ay itinayo muli ang simbahan ng Santa Maria delle Grazie na dinarayo ngayon ng milyon-milyon na mga turista.