ShareThis

  ESTADO

Handa Na Ba Tayong Magpiit ng Maraming Opisyal?



Sa kasaysayan ng ating demokrasya, nakapag-asunto na tayo ng dalawang punong ehekutibo. Nagkaroon ng silbi ang nang una’y pinagtawanan na pagsasabatas ng krimen ng pandarambong (plunder) dahil daw sa walang mahahatulan nito. Si Pangulong Erap ay nahatulang gilti, pero nawalan pa rin ng panakot ang pagsasabatas ng nasabing krimen matapos siyang agad na mapatawad. Nagamit sa paglilitis ang krimen pero hindi ang kaakibat na kaparusahan. Nakapag-impits na rin tayo ng isang punong mahistrado. Magaspang at pasikot-sikot ang daan pero tuloy tayo sa destinasyong demokrasya na ganap at totoo para sa ating bayan. Malaki ang kuneksiyon ng makatotohanang pagpapairal ng demokrasya sa hangaring mabakbak ang korapsiyon sa balat ng ating kapuluan. Ginawa itong islogan ng kasalukuyang administrasyon pero waring kapos pa ang ipinamamalas na sinseridad at mangangailangan ng mga mas kongkretong kilos ang mga retorikang idinudulog.

Perbersiyon sa Criminal Justice System
Bahid sa akomplisment natin sa pag-aasunto ng matataas na opisyal na di natin inilalagay ang mga ito sa karaniwang bilangguan bagkus ay laging sa ESPESYAL na kulungan. Isyu ang seguridad. Totoo naman. Kung ilalagay si Gringo Honasan, halimbawa, sa isang ordinaryong piitan ay malaki ang tsansa na makakaeskapo. Ang Manila City Jail na may pinakamalaking bilang ng mga detenido sa buong bansa, nasa pusod ng Maynila, ay matagumpay na nasalakay ng mga rebeldeng sundalo para mareskyu at palayain ang kasamahan nila. Laging alibay ang kawalan ng seguridad para ilagay sa iba at espesyal na kulungan ang mga “high risk” daw na preso. Espesyal na kulungan para sa mga espesyal na bilanggo. Isang siklo ng perbersiyon sa sistemang katarungang pangkrimen ng isang estadong namamarali na ito ay demokratiko.
Espesyal ba talaga o espesyal dahil nasa hanay ng mga elitista sa lipunan? Mas peligroso pa bang preso si Janet Lim Napoles kesa sa mga lider ng Abu Sayaf na inilagay sa hurisdiksiyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kagaya ng isinasaad ng batas? Suicidal ang mga nasabing terorista. Nag-aklas ang mga ito sa kinapipiitan sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Bicutan pero nasawata sila, nakontrol ang sitwasyon bagaman humantong sa kamatayan ng marami. Sa ganito ba maihahambing ang peligrong kaakibat ng pagpiit kay Napoles?

Ang Bilangguan ay Bilangguan ng Lahat 
Kailan pa magagawa ng pamahalaan na ang mga karaniwang bilangguan ay bilangguan para sa lahat? Mahigit dalawang dekada na sapul nang likhain ang BJMP sa bisa ng Republic Act No. 6975 na naipasa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Cory. Marami sa mga piitang pangdistrito, panglungsod, at pangmunisipalidad ang halos walang ipinagbago ang antas ng seguridad ng pasilidad batay sa itinakdang unibersal na pamantayan. Lalo pang sumisikip at di kumakatig sa mga karapatang pantao sa paglipas ng panahon. Suriin na lang ang Manila City Jail, ang Quezon City Jail, at iba pang piitan na di kalayuan sa Malakanyang. Kaawa-awa ang kalagayan ng mga naririto. Pagkatapos ay may mansiyon para sa mga espesyal na bilanggo? Suriin ang mga ipinakakain sa mga preso sa mga ordinaryong piitan, ikumpara ito sa kinakain ni Napoles sa Fort Sto. Domingo, at saka nating itanong kung nasa ilalim ba tayo ng demokratikong pamamahala.
O baka naman nag-iimbento lang ng multo na panakot para patuloy na pairalin ang elitismo sa sistemang katarungang pangkrimen? Na may sasaklolong batalyong armado na itatakas si Napoles para hindi makapagsiwalat sa mga panlilinlang at pandarambong ng mga mambabatas at matataas na opisyal. Na may makakasalisi para patayin ito. Tumpak. Posibilidad at reyalidad lahat ito. Kaya nga nagpopondo ng bilyon-bilyon ang taumbayan para sa operasyon ng BJMP. Pagkatapos hindi nito kayang tiyakin ang kaligtasan ng isang preso, gaya man ni Napoles o hindi, sa kustodiya nito? Ayaw bang pagtiwalaan ng Malakanyang ang BJMP na direktang nasa ilalim nito? O ayaw lang ng Malakanyang na danasin ni Napoles ang impiyerno ng pangkaraniwang mga selda na resulta rin ng kapabayaan nito na ayusin ang mga nasabing selda?
Hindi kaya ang tunay na rason kaya sa isang mansiyon sa Fort Sto. Domingo sa Laguna imbis na sa amoy-anghit at nagsisiksiksikang selda sa Makati City Jail inilagak si Napoles ay dahil may sabwatan ang hudikatura, ehekutibo, at lehislatura na tapikin ito nang nakaguwantes ang kamay dahil TAO nila ito? Isang harap-harapang panlilinlang na dapat itigil agad-agad?
Si Napoles pa lang ang kailangang ipiit ay lantaran na special treatment. Paano pa kaya kung matataas na opisyal sa gobyerno ang aarestuhin at idedetine? Hindi paisa-isa gaya kina Erap, Gloria Macapagal-Arroyo, Misuari, at Honasan kundi halimbawa’y sampung senador o higit pa nang sabay-sabay?

Panibagong Islapstik? 
Kung magiging makatotohanan ang pagsisiyasat, ang lohikal na kongklusyon nito ay pagsasampa ng kasong kriminal sa maraming mambabatas. Lohikal ang mga ebidensiya. Kung hindi maramihang pag-aresto ang magaganap ay panibagong islapstik na naman ang makikita ng ibang mga lahi sa ating sistemang demokratiko. Huwag na ang pagtuligsa ng mismong sambayanang Filipino sa sariling mga lider. Gaya nang nasabi ko, naglagay na si Gloria Macapagal-Arroyo ng magiging templeyt para sa kapal ng mukha ng punong ehekutibo. Walang iskandalo o pagbubulgar ng mga raket at kasalaulaan na magpapatiklop dito. Haharap ang pangulo sa publiko na isang kagalang-galang habang pinaiiral ang mga nakahihiyang gawi.
Kung aarestuhin man ang mga senador, kongresista, at iba pang matataas na opisyal, hindi rin ba ilalagay ang mga ito sa mga city jail? Magpapatayo ba ang Malakanyang ng iba pang mansiyon sa Fort Sto. Domingo para sa kanila?
Ang bawat opisyal ay may saplot lang ng poder ng estado hangga’t walang nilalabag na batas. Kapag natanggal na ang balabal ng posisyon, ang makikita ay isang ordinaryong mamamayan na di nakahihigit sa pinakamaliit at pinakadukhang kasapi ng lipunan. Nababagay sila sa mga siksikang selda kasama ang mga taong hindi nila naisip ang kalagayan noong sila’y namamayagpag sa poder at may kakayahang gumawa ng pagbabago.
Kailangang makita natin hindi sa malayong hinaharap ang senaryo ng maramihang pag-aresto sa mga mandarambong na pulitiko. Kailangang masaksihan ito sa malao’t madali. Umaalingasaw na ang kabulukan sa panahon natin. Obligasyon ng pamahalaan na ipakita sa taumbayan ang ganitong senaryo kung nais nitong patunayan na may kakayahan pa itong magbanyuhay.
 
Dibisyon sa Lipunan
Ang kultura ng elitismo ay isa sa mga haligi ng korapsiyon. Kami-kami, sila-sila sa hatian ng biyaya sa pondo. Di formal, naglalagay ng dibisyon sa hanay ng mga mamamayan. May iilan na nabibilang sa uring espesyal sa lipunan habang ang nakararami ay karaniwang uri at palaging pasakit ang hantungan gayong ang uri na ito ang tunay na may pasan sa estado.
Nasa sub-conscious ng maraming Filipino ang mapabilang sa hanay ng mga espesyal na tao sa lipunan. Ito ang masamang epekto ng pag-iral ng elitismo. Magkaroon ng mga higit na pribilehiyo sa ordinaryong tao. Para sa kanila, kasiraan imbis na karangalan ang mapabilang sa mga karaniwang mamamayan, na dapat sana’y ipagmalaki kung nananalig sa esensiya ng demokrasya. Kaya ang mga pablik-opisyal na nahubaran na’t lahat ng birang at baluti ng poder sa estado ay nais pa rin ng espesyal na trato bilang preso. Simulan nating ihasik ang kultura na mas masarap maging karaniwang mamamayan na tapat sa sariling bayan kesa maging elitistang makatitikim ng mas malakas na lagapak. Palakasin natin ang pananalig na sa sistema’y pantay-pantay anuman ang taglay na yaman, dunong, o posisyon sa lipunan.
Sawang-sawa na ang taumbayan sa panuntunan na may naghaharing mga huwad na nobilidad. Nakakasuka na ang mga utak-elitista. Mga nag-aakalang sila ang mga royal na angkan sa bayan. Mga pamilyang kapitalista, asendero, dinastiyang pulitikal, mga namamaraling panginoon sa akademya. Inip na ang bayan na maikarsel sila.




Archives