The phrase speaks for itself. Very important person. Kailan pa naging balido na ang isang akusado ay mas importante, at doble o tripleng mas importante sa ibang kagayang akusado?
Presong Binebeybi
Kapag sinabing “VIP”, awtomatiko nang kasunod nito ang tinatawag na “tratong-beybi” o special treatment. Ang paglalapat ng “VIP” sa isang preso ay di isang hungkag na proseso. Ito’y kagaya nang sabi sa kanta ni Lea Salonga sa pelikulang “Aladdin” na may “whole new world”. Nangangahulugan ng ibang daigdig sa daigdig ng mga kumon na preso.
Nang tinanong ang warden kung kumain si Janet Lim Napoles matapos ang unang gabi nito sa Makati City Jail, nag-almusal daw ng lomi at tokwa. Ibig sabihin ba ni warden, iyon ang almusal na inihanda para sa lahat ng preso sa piitan? Hindi para kay Napoles lang? Kinain naman nga kaya ni Napoles ang “rantso”? May dayabetes daw ang ale kaya bagay nga sa kanya ang ‘plain tokwa’. Pero sana’y pinili ito hindi dahil sa isyung medikal niya dahil pangit pakinggan na dahil may dayabetes si Napoles ay tokwa ang ipinakain sa lahat ng bilanggo.
May proseso bago ibinababa ang kautusan para idetine ang isang akusado sa panahon ng paglilitis sa kaso niya. Una, may malakas na ebidensiya laban sa kanya. Totoo, maraming walang kasalanan na naiisyuhan ng warrant of arrest at nadedetine nang mahabang panahon bago napatutunayan sa korte ang pagiging inosente. Maraming salik sa loob at labas ng mga law book. Sa labas ng libro ay nariyan ang magkakaibang antas ng yaman at kuneksiyon sa lipunan. Hindi salik ang sensationalism, kadalasang nakasasama pa ito sa walang matibay na kuneksiyon. Lantad man o palihim, kikilos ang puwersa ng salapi at kontak sa mga may kapasyahan kaugnay sa pagiging “VIP” (na may iba’t iba ring antas) ng isang preso.
Internal na Sistema
Internal na sistema sa mga kulungan na pag may pera ka ay puwede kang magtamasa ng pribilehiyo. Isa na rito na magbubuwis ka ng pera sa gobyerno sa loob ng selda imbis na magbuwis ng pawis sa paglilinis ng kubeta o magsilbing tagapaypay sa gabi, halimbawa, na relyebuhang ginagawa ng bawat preso. Kaya ang terminong “VIP” ay batay sa kultura sa loob ng selda. Pangit na ginagamit ang terminong ito ng mga pablik-opisyal. Napupuno ng slang o jargon ang mga pampublikong “formal” na pahayag. Pag “VIP” ng selda o brigada ang isang preso ay nagbabayad siya ng buwanang pataw sa gobyerno ng selda kapalit ang eksemsiyon sa mga obligasyong gawain sa pagmentina ng kaayusan at kalinisan ng selda. Pinahihintulutan ito sa mga jail, bagaman off the records pa rin, sa lohikang kanya-kanyang diskarte ang mga preso sa loob ng selda. May sarili silang gobyerno. Gaya sa ekspresyong “whatever works”. Papasok ang mga katwirang kung may sariling pera ang preso ay karapatan niyang gamitin ito para sa pagbili ng sariling pagkain, sariling mga gamit/aplayans, at pasuwelduhan ang mga kapwa-preso para maging tagasilbi na parang kasambahay (kasambilibid) o kaya’y badigard.
Kuwestiyunable ang ganitong praktis. Ang pagiging “VIP” ni Al Capone habang nakakulong sa karaniwang bilangguan ang isa sa mga naging rason kaya napagpasyahang isama siya sa mga ililipat sa Alcatraz. Kapag nasa loob na ng kulungan, dapat niyutralisado na pati ang kapangyarihan ng pera maliban sa pagpili ng sariling abogado. Pantay-pantay sa loob mula sa uri ng pagkain hanggang sa pagtitiis sa init. Maglalagay ng sariling air-con ang preso? Dadagdagan pa niya ang babayaran ng taumbayan sa konsumo ng kuryente ng bilangguan. Kung niyutralisado ang puwersa ng pera, lalong dapat na niyutralisado ang kuneksiyon sa powers-that-BS.
Papasok din ang katwiran na akusado pa lang at “presumed innocent”. Gano’n din naman ang mga kasama niyang preso sa loob. Taob pa rin ang katwiran na ito sa usapin ng ekwalidad at kakayahan ng awtoridad na patakbuhin ang bilangguan nang may sapat na seguridad at makataong regulasyon. Dapat na may sapat na kakayahan para tiyakin ang kaligtasan ng bawat preso anuman ang antas ng peligro. Dapat na pantao ang ipinakakain at pangangalaga sa kalusugan kahit sa pinakamahirap na preso sa halip na ipaggiitan ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng mga nasa iisang kulungan kaya ibinabase ang magiging kundisyon ng isang preso sa dami ng pera niya. Maluwag ang patakaran ay mas bukas sa katiwalian. Kompromiso sa kontrol ng piitan ang butas sa mga regulasyong kadalasang itinatago sa mga terminong SOP o internal na kalakaran (kalakalan) sa selda.
Maski Gobernador o Presidente
Sa US, kahit pa gobernador ng isang estado (na katumbas ng pangulo ng isang bansa) oras na napiit ay matotokahang maglinis ng kubeta maliban kung may mas mahalagang maikokontribyut siya sa mga kapwa-preso. Halimbawa’y magturong bumasa at sumulat sa mga presong no-read/no-write. Nasabi ko nang minsan na kung sa karaniwang kulungan inilagay si Pangulong Erap, imbis na maglinis ay maaaring naturuan sana niya na mag-Ingles ang mga presong gustong matutong mag-Ingles. Naging makabuluhan ang mga taong nagsilbi siya ng sentensiya. Si Napoles ay maaaring magturo ng aritmetik sa female dorm.
Palpak na naman ang hudikatura, na minsan ding nag-utos na sa PNP idetine si Erap imbis na sa BJMP na may hurisdiksiyon sa lahat ng akusado anuman ang posisyon, yaman, at antas sa lipunan. Palpak din si P-Noy, ang DILG, at ang buong makinarya sa pagpapairal ng sistemang katarungang pangkrimen (criminal justice system) sa naging diskarte sa kaso ni Napoles. Parang may konspirasi para matamasa ni Napoles ang pinakamataas na level ng pagiging “VIP”. Nilapatan na agad ng awra ng pagiging espesyal na tao na may espesyal na sitwasyon at karapat-dapat sa espesyal na pagtrato bilang preso. Kung iisipin, wala namang espesyal kay Napoles. Siya’y kumon na akusadong dapat ilagay sa kumon na bilangguan. Dapat nang wakasan ang ilusyon na may preso na mas “high risk” sa iba e.g. may ibubulgar siya tungkol sa mga mambabatas. Panahon nang ibigay ang hamon ng kustodiya sa ahensiya ng gobyerno na nilikha ng batas para talaga sa ganitong responsabilidad. Panahon nang alisin ang mga wala sa lugar di demokratikong diskresyon. Panahon nang sundin ang patakaran at pairalin para sa bawat isa at sa lahat.
Sapul pa sa panahon ni Capone halos isang siglo na ang nakararaan ay isyung pangdemokrasya ang paglalapat sa isang preso bilang VIP. Isang stigma na nais burahin ng mga gobyerno sa maraming bansa. Sa US, malaking eskandalo pag ang isang presong dating mataas na opisyal ay natuklasang may “special treatment” sa kulungan. Sa Pilipinas, pansinin kung saan ipiniit sina Erap, Jinggoy, Misuari, Honasan, at Gloria Macapagal-Arroyo. Ngayon, si Napoles? Ang mapaiba lang ng lugar na pagkukulungan, imbis na sa siksikang pinaglalagyan sa ordinaryong mga preso, ay malinaw nang double-standard. Tinatakpan nito ang tungkulin ng gobyerno na ayusin ang lahat ng kulungan para maging katanggap-tanggap ito sa lahat ng preso at di sa iilan.
Kontra-Demokrasya
Ang paglalapat ng mga etiketang “VIP” at “high profile” sa mga preso ay relatibo. Pero ang tiyak, labag ito sa konsepto ng demokrasya na ang lahat ng mga mamamayan ay magkakapantay anuman ang edukasyon, posisyon, yaman, o antas sa lipunan. May mga administrasyong naging gilti sa paglihis sa matuwid na pananaw. Nang madakip si Heneral Emilio Aguinaldo ay sa Malakanyang siya idinetine hanggang sa manumpa ng katapatan sa Estados Unidos. Pribilehiyong hindi ipinagkaloob kay Macario Sakay. Ang mga dating pangulong sina Erap at Gloria ay sa ospital. Si Erap ay kasama pa si Jinggoy sa pribilehiyo gayong meyor lang ito noon ng San Juan, at may mga naakusahang meyor na sa mga ordinaryong kulungan lang naidedetine. Nagpatayo pa si Gloria ng mansiyon-para-sa-presong-VIP, gumugol ng milyon-milyon na pera ng taumbayan, sa Fort Sto. Domingo sa Laguna na pinagkulungan bukod kina Erap at Jinggoy ay sa dating lider ng ARMM at MNLF na si Nur Misuari, at Honasan. Na ngayo’y “mansiyon” naman ni Napoles. Mahirap na bayan ang Pilipinas pero bukod tanging may minementinang mansiyon para sa espesyal na preso. Ano ba ang criteria para maging kuwalipikado sa nasabing mansiyon? Mataas na opisyal? Karaniwang mamamayan lang si Napoles. Maikukumpara lang siya kay Bernie Madoff na nagnakaw ng multibilyong dolyar. Si Madoff ay deretso sa karaniwang kulungan. Kung sangkot ang mga mambabatas sa pagnanakaw ni Napoles, ideretso rin sila sa karaniwang kulungan.
Kung may masikip na kulungan para sa mga karaniwang tao at mansiyon para sa mga akusado (at kriminal) na pinagpala, walang nakapagtataka at inaanay ng korapsiyon ang ating gobyerno. Baluktot ang pinaiiral nating demokrasya. Para sa kasalukuyang administrasyon ay indikasyon ang paglilipat kay Napoles sa “mansiyon sa Fort Sto. Domingo” sa kawalan ng tiwala ng pambansang pamahalaan sa kakayahang tiyakin ang seguridad at mamahala sa mga “espesyal” (?) na preso ng mga opisyal at tauhan sa mga piitan ng mga nililitis (detention center, city jail) na direktang nasa ilalim ng kontrol nito. Indikasyon din ito ng tendensiya ng kasalukuyang administrasyon na pairalin ang elitismo sa halip na papanaigin ang pagkakapantay sa pagpapairal ng sistemang katarungang pangkrimen.
May ironiya pa nga na sa Makati City Jail nababagay madetine si Napoles. Siya’y akusado sa isang karaniwang krimen at nasasangkot sa pandarambong sa multibilyong pisong pondo ng bayan sa ilalim ng iskema ng porkbarel ng mga mambabatas. Isang karumal-dumal na krimen. Samantala, ang Makati City Jail ay isang Marcos-era na pasilidad, itinayo noong batas-militar para paglagyan sa mga bilanggong pulitikal. Kung tama ang ulat, kahit ang erpat ni P-Noy na si Ninoy ay napiit nang ilang panahon sa nasabing piitan. Langit at lupa ang kaibahan nang mapiit kung dahil sa katakawan sa pera at ang mapiit dahil sa paglaban sa isang mapaniil na rehimen. Pero kung si Ninoy ay napiit sa karaniwang bilangguan, bakit hindi si Napoles?